Home METRO 2 puganteng Chinese arestado sa Pasay, Paranaque

2 puganteng Chinese arestado sa Pasay, Paranaque

MANILA, Philippines – Arestado ng Bureau of Immigration ang dalawang puganteng Chinese na wanted sa mga krimen sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa Pasay at Parañaque.

Ayon sa BI, ang 43-anyos na si Zhu Tingyun at 30-anyos na si Wang Yun ay nagtatago sa bansa matapos na i-revoke ng Chinese government ang kanilang mga pasaporte.

Sinabi ng Chinese Embassy sa Manila na si Zhu ay may outstanding warrant of arrest sa Guangxi, China, dahil sa pagpapatakbo ng isang sindikato para sa online gambling site na tumangay sa 30 billion Chinese yuan, o $4.1 billion, ng mga taya noong 2016.

Si Zhu ay may outstanding order para sa deportation na inisyu ng BI noong 2023.

Samantala, si Wang ay may warrant of arrest din na inisyu ng Public Security Bureau sa Jinjiang City dahil sa kidnapping.

Nahuli si Zhu sa kanyang tirahan sa Barangay Tambo, Parañaque, habang si Wang ay nahuli sa Metrobank Avenue, Pasay.

“We will deport them to China so they can stand trial for their alleged crimes, and they will remain on our blacklist to prevent them from re-entering the Philippines,” pahayag ni BI Commissioner Norman Tansingco.

Naka-detain na sa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang dalawang pugante na naghihintay ng deportation. RNT/JGC