Home METRO 24 pakete ng ‘shabu’ na may Chinese markings natagpuang palutang-lutang sa WPS

24 pakete ng ‘shabu’ na may Chinese markings natagpuang palutang-lutang sa WPS

CAMP PRESIDENT QUIRINO, Bantay, Ilocos Sur- Namataan ng dalawang mangingisda ang 24 pakete ng hinihinalang shabu na palutang-lutang sa West Philippine Sea sa kanluran ng Barangay Solotsolot, San Juan, Ilocos Sur noong Lunes.

Sinabi ni Police Major Benjamin Raquedan, chief of police sa nasabing bayan, napansin umano ng mga mangingisda ang mga pakete ng transparent plastic na palutang-lutang sa karagatan nang pauwi na sila mula sa pangingisda sakay ng motor banca.

“Out of curiosity, they brought along the said floating packs and they found out that these packs contain crystalline substance; and they reported immediately to our police station for proper disposition,” paglalahad ni Raquedan.

Aniya, kada pakete at mayroong Chinese markings na nagsasaad ng estimated weight nitong humigit-kumulang isang kilo.

Base sa opisyal, dinala na ang mga ito sa Philippine National Police Crime Laboratory para sa pagsusuri.

Batay sa inisyal na tests na isinagawa ng Provincial Forensic Unit, tinukoy ang mga ito bilang shabu.  

Iniimbestigahan na ng Philippine Drug Enforcement Agency-Region 1 ang nasabing shabu habang pinuri ni Police Regional Office-1 chief Police Brig. Gen. Lou F. Evangelista ang kooperasyon ng komunidad sa pagkakadiskubre nito.

Tiniyak ni Evangelista na committed ang PRO-1 sa pagpapairal ng public safety at hinikayat ang mga residenteng maging lerto at iulat ang palutang-lutang na kontrabando sa mga awtoridad.

Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang mga pulis upang matunton ang pinagmulan ng ilegal na droga. RNT/SA