Home OPINION ANG TUNAY NA PAGKATAO NI GUO

ANG TUNAY NA PAGKATAO NI GUO

DUMULOG na sa Malacañang ang problemadong si Bamban Mayor Alice Guo at ang kanyang mga abogado. Umaasang isasalba pa siya ng Presidente upang mapanindigan niya ang nanganganib nang deklarasyon niya ng pagiging inosente ngayong nagsusulputan at tumatambak na ang mga ebidensiya laban sa tunay niyang pagkatao at intensyon.

Nito lamang Martes, ibinunyag ni Senator Sherwin Gatchalian na si Guo ay posibleng si Guo Hua Ping, na nagtungo sa Pilipinas sa tulong ng mga kahina-hinalang insidente, na nagdulot ng pagdududa sa integridad ng alkalde. “Alice Guo might be Guo Hua Ping who entered the Philippines on January 12, 2003 when she was 13 years old. Her real birth date is on Aug 31, 1990,” quoted na sinabi ni Gatchalian.

Kung pineke ang kanyang pagkakakilanlan, binibigyang-diin nito ang pattern ng panloloko, hindi serbisyo publiko. Ang ebidensyang hawak ni Gatchalian, na nanggaling sa Board of Investments at sa Bureau of Immigration, ay tunay namang nakagagalit at nagpapalakas lamang sa mga kasong kinakaharap ni Guo.

Sa halip na paglingkuran ang Bamban, lumalabas na sangkot umano si Guo sa malawakan at magkakaugnay na iligal na operasyon ng POGO at panloloko, gaya nang unang suspetsa ng ilang senador.

                               Tutukan ang Solusyon

Habang nanggagalaiti sa galit ang mga grupo ng transportasyon, hindi pa nagkakausap ang mga opisyal ng Department of Transportation at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board tungkol sa panghuhuli sa mga jeepney.

Una nang inamin ng Metropolitan Manila Development Authority na hindi nito maaaring ipatupad ang crackdown dahil mismong ang mga tauhan nito ay hindi alam kung ano ang hihilingin mula sa mga tsuper.

Habang pinagtatagal ng LTFRB ang paglalabas ng guidelines, nahaharap naman ang mga tsuper sa problemang pinansyal dulot ng mga multa at pang-i-impound.

Sa totoo lang, ang pagpapahinto sa mga jeepney para alamin ang kanilang compliance ay lalo lamang magpapalala sa trapiko at makapeperhuwisyo sa mga pasahero kaysa mismong non-compliance na sinasabi.

Sa halip na ang mga galawang ganito, bakit hindi na lang tutukan ng gobyerno ang pagpapatupad ng mga tunay na solusyon sa problema, tulad ng pagpapabuti ng mga imprastraktura at pagkakaloob ng suportang pinansyal para sa minimithing modernisasyon?

                         Kudos Kay Nate

Sa isang Facebook post, nagpaalam na sa industriya ng pamamahayag ang dati kong estudyanteng si Nate C. Barretto makalipas ang 30 taon.

Gusto kong isipin na ako ang nakahikayat sa kanyang pasukin ang daigdig ng professional media nang kunin ko ang serbisyo niya para sa Tempo noong 1995. Hindi pa siya nakatatapos sa kolehiyo noon, pero tiwala na ako sa kanyang kakayahan at dedikasyon na maging isang mahusay na mamamahayag.

Simula noon, nagtrabaho rin si Nate sa dalawang higanteng TV networks, sa mga nangungunang pahayagan ng The Manila Bulletin at The Philippine Star, isa sa mga nagtatag sa The Philippine Business and News website, at nagsilbi sa pahayagang BusinessWorld noong nakaraang taon.

Noon pa man ay alam kong mananatili siyang isang mamamahayag, lalo na dahil masigasig siya sa adbokasiyang sanayin at paghuhusayin ang mga miyembro ng media sa mga lalawigan. Binabati ng Firing Line si Nate at hinahangad ang pinakamabuti para sa kanya sa pagtahak niya sa susunod na kabanata ng kanyang buhay at career.

                               *        *       *

SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.