Home NATIONWIDE Anti-trespassing policy ng Tsina sa SCS ilegal – PCG

Anti-trespassing policy ng Tsina sa SCS ilegal – PCG

Larawan mula sa Atin Ito Coalition

MANILA, Philippines- Nanindigan ang Philippine Coast Guard (PCG) sa posisyon nito na ang anti-trespassing policy ng China sa South China Sea ay walang basehan.

Hinimok din ng PCG ang mga Pilipinong mangingisda upang ipagpatuloy ang paglalayag sa karagatan.

Ayon sa PCG, walang basehan ang utos ng China. Iniatas din ng Pangulo na dapat wala kahit isang mangingisda ang maapektuhan.

Noong Mayo, naglabas ng China ng regulasyon na nagpapahintulot sa kanilang coast guard na hulihin at ikulong ang dayuhang trespassers sa South China Sea epektibo sa Hunyo 15.

Noong Biyernes, isang araw bago magkaroon ng bisa ang polisiya, sinabi ng AFP na ang Pilipinas ay “hindi mapipigilan o matatakot,” na muling iginiit na ang mga aksyon ng China sa karagatan sa loob ng teritoryo ng Pilipinas ay “ilegal, agresibo, at mapanlinlang.”

Sinabi ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan na naghatid na ang PCG ng mga tagubilin sa mga tauhan nito sa mga hakbang na dapat gawin sakaling magpatuloy ang China sa pag-aresto sa mga mangingisdang Pilipino.

Sinabi ni Gavan na naglabas siya ng utos sa mga apektadong distrito ng Coast Guard na makipag-ugnayan sa mga organisasyon ng pangingisda sa kanilang lugar.

Idinagdag ni Gavan na dapat subaybayan ng mga distrito ng PCG ang galaw ng mga mangingisda at dapat makipag-ugnayan sa Coast Guard upang malaman ng mga awtoridad ang kanilang kinaroroonan at kung sila ay guluhin ng China.

“Dapat magpaalam ang mga mangingisda sa PCG station kapag sila ay papalaot upang malaman kung saan sila pupunta,” ani Gavan. Jocelyn Tabangcura-Domenden