Home OPINION BATAS NA NANG-SCAM SA ATIN

BATAS NA NANG-SCAM SA ATIN

Sa kabila ng pagsisikap ng grupo na himukin ang suporta ng publiko para sa ipinaglalaban nito, nilangaw ang kilos-protesta ng Junk SIM Registration Network noong nakaraang linggo.

Pero kasunod ng lalong pagiging talamak ng mga scam isang taon makaraang ipatupad ng administrasyong Marcos ang mandatory SIM registration, ilalaan ng Firing Line ang kolum na ito para sa iginigiit ng JSRN na may pananagutan ang gobyerno sa nangyayari.

Wala nang paligoy-ligoy si Jenna Rodriguez, ng JSRN media office: “The SIM Registration Law isn’t just ineffective — it’s a scammer’s dream come true.”

 

Binatikos niya ang batas dahil sa halip na maiwasan, naging daan pa ito upang lumala ang mga ilegal na aktibidad sa pagpapahintulot sa mga scammers na magkubli sa likod ng mga pinekeng pagkakakilanlan. Nabunyag sa kamakailang serye ng pagsalakay sa mga Philippine offshore gaming operators o POGOs ang sangkatutak na iligal na inirehistrong SIM cards na ginagamit sa iba’t ibang scams, mula sa love scams hanggang sa panloloko gamit ang cryptocurrency.

Kinondena ni Rodriguez ang pagkakalikha ng mga delikadong maabuso na centralized databases sa ilalim ng nasabing batas, binibigyang-diin ang panganib na maidudulot nito sa privacy at sa pambansang seguridad. “The government’s mishandling of public data is a ticking time bomb,” babala niya.

Tinukoy ang kawalang kakayahan ng gobyerno at ang kapalpakan ng polisiya, sinisisi ng grupo ang administrasyong Marcos at ang National Telecommunications Commission. Bakit nga ba hindi?

Ang kakulangan o kawalan ng kahandaan sa pagpapatupad ng SIM Registration Law ang nagkanulo sa mga kahinaan nito sa pinakamalala nitong resulta — ang pagpapatindi, sa halip na pagsawata, sa digital fraud.

Bagamat mistulang knee-jerk reaction lang ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), ikatutuwa ng Firing Line ang paghahain ng ahensiya ng mga kaso laban sa mga pasaway na telco agents na nabigong ma-account ang libo-libong hindi rehistradong SIM cards na ginagamit umano sa panloloko sa publiko.

Panahon nang pag-aralang maigi ang SIM Registration Act. Marapat na seryosong ipatupad ang implementing rules and regulations nito. Bigyan ng pangil ‘yan!

                                     *        *       *

SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.