Home NATIONWIDE BI nagbabala vs online love scams

BI nagbabala vs online love scams

MANILA, Philippines – MULING nagbabala si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco sa publiko laban sa mga manloloko na gumagamit ng pangalan ng ahensya para linlangin ang kanilang bibiktimahin at makuhaan ito ng malaking halaga ng pera.

Ang naturang babala ay matapos makatanggap ang BI ng kahilingan para sa beripikasyon mula sa isang Pinay na ang kasosyong Amerikano ay sinasabing naka-hold sa airport noong Mayo 15.

Ayon sa biktima, pinagbabayad umano ang kanyang Amerikanong partner ng P40,000 bilang penalty sa pagdating makaraang may makitang undocumented foreign currency sa kanyang bagahe, na lampas sa legal na halaga.

Sa unang bahagi ng buwang ito, nakatanggap din ang BI ng kahilingan para sa beripikasyon mula sa isang Pinay na ang inaakalang Korean partner ay inaresto sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para sa eksaktong parehong mga pangyayari.

Isang pekeng BI Facebook account ang napaulat na nagpadala ng mensahe sa Pinay na humihingi ng bayad na 350 USD para sa mga multa.

Nilinaw ni Tansingco na ang immigration ay hindi nakikitungo sa mga papasok na pera o bagahe, kaya ang sinasabing kautusan ay isang scam.

Ikinatuwa naman ni Tansingco na mayroong kamalayan na ngayon ang mga tao dahil lumalapit na sila sa kanilang ahensiya upang iberipika kung totoo ang mga kahilingan para sa pagbabayad.

Nabatid na maaaring ipadala ang mga kahilingan sa pag-verify sa Facebook account ng BI sa Facebook.com/officialbureauofimigration o sa pamamagitan ng kanilang hotline sa +632 8 4652400. JAY Reyes