Home OPINION BILYONG PISONG BUWIS NAWAWALA DAHIL SA PETRO SMUGGLING

BILYONG PISONG BUWIS NAWAWALA DAHIL SA PETRO SMUGGLING

HINDI ko maarok kung bakit tila hindi prayoridad ng administrasyong Marcos ang  pagsugpo sa  lantarang pilferage o smuggling  ng petroleum products sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Mismong ang economic team ni Pangulong Bongbong Marcos ang nagpapatunay na bilyones ang nawawala sa kaban ng bayan dahil sa unabated smuggling ng gasolina, diesel at iba pang produktong petrolyo.

Kung sabagay, ipinag-uutos ni PBBM ang pagsugpo sa problemang ito pero ang siste –  hindi kumikilos ang mga awtoridad para isakatuparan ang kanyang atas at direktiba.

Kung bakit bantulot ang aksiyon ng Philippine National Police, National Bureau of Investigation at iba pang ahensya na may police power ay dahil walang ‘tikas’ ang order na lumalabas sa Pangulo.

‘Yon bang kapag nagbitaw ng salita ang lider ay magdadala ng  takot sa mga tauhan kaya kaagad kumikilos dahil baka sila’y malintikan kapag hindi nila sinununod at ginawa ang kanilang trabaho.

Ang dating Pangulong Digong ay halimbawa ng isang pinuno na kapag naglabas ng utos ay kandarapa ang PNP, NBI at iba pang law enforcerment agencies dahil takot  sa susunod na aksyon ni Duterte.

Kasi, tinatanggal ni Digong sa puwesto ang tamad, natutulog sa pansitan na mga opisyal na hindi ginagawa ang sinumpaang trabaho’t responsibilidad, kaiba sa kasalukuyang lideratong Marcos.

Kung may dating at tikas lang si PBBM kung mag-utos, tiyak na kikilos ang pulisya at iba pang ahensiya para tugunan ang problema gaya ng oil smuggling na parang kabute na sa dami ang operasyon.

Klasikong halimbawa na ‘di sinusunod ang utos ng Presidente dahil walang tikas ay sa Police Regional Office 4A na talamak ang petroleum smuggling at oil pilferage na kilala rin sa tawag na paihi at pasingaw.

Sina alyas Aklang at alyas Awno, parehong opisyal, ang leader ng payola team na nangongolekta ng lingguhang “tong” gamit si alyas Adlawan sa pagkolekta ng milyong pisong lagay mula sa oil smuggling financier na si Dondon Alahas at  20 pang paihi operators sa buong rehiyon.

Hindi katanggap-tanggap na kaladkad ng grupo nina Aklang at Awno ang pangalan ni Philippine National Police chief P/Gen. Rommel Marbil, Criminal Investigation and Detection Group director P/MGen Leo “Paco” Francisco at Batangas Police Provincial director P/Col Jack Malinao.