Home OPINION BONGGANG B-DAY PARTY NG KURIPOT NA CONGRESSMAN

BONGGANG B-DAY PARTY NG KURIPOT NA CONGRESSMAN

IBANG klaseng magdaos ng kaarawan ang isang miyembro ng  House of Representatives dahil super-duper sa bongga ang kanyang birthday party na ginanap pa sa prestihiyoso at bantog na hotel resort & casino.

Posibleng ginawa talagang bonggang-bongga ni Congressman ang kanyang birthday  bilang pasasalamat dahil naabot niya ang pinakamimithing edad na maayos ang kalusugan.

Kaya lang, sa dami ng mga pamilyang dumaranas ng pagdarahop, hindi lang sa kanyang lungsod, kundi sa maraming panig ng bansa dahil sa sobrang taas ng presyo ng mga bilihin, marami ang nadismaya sa paggastos ng milyon-milyon ni Cong para lang maging marangya ang araw ng kanyang kapanganakan.

Sabi nga ng ilang mga nakasaksi, todo-ngiti si Cong nang dumalo sina House Speaker Martin Romualdez at ang ate ni President Bongbong Marcos, Jr. na Sen. Imee Marcos na bihirang magpaunlak sa mga ganitong okasyon dahil mas binibigyang prayoridad ang tungkulin sa bayan.

Kung sabagay, wala naman talagang problema kung gumastos ng milyones itong mambabatas para sa kanyang kaarawan lalo na kung galing sa sarili niyang bulsa ang salaping ginastos.

Pawang mga kabilang sa alta-sosyedad ang mga inimbita ni Congressman dahil kabilang na siya mga burgis na mambabatas at hindi na niya ka-level ang mga dating kaibigan.

Laging nagwawagi sa halalan itong mambabatas kahit anong posisyon ang kanyang labanan kung kaya’t matagal na rin naman siya sa pulitika kaya’t narating na rin niya ang estado ng mga super yaman na kapwa politiko.

Ang tanong, galing kaya sa salapi ng bayan ang tinatamasang yaman ngayon ni Congressman? Nadawit ang pangalan niya sa Priority Development Assistance Fund kasama ang ilang opisyales ng Department of Social Welfare and Development na nasampahan ng kaso sa Office of the Ombudsman noong 2013.

May kaso ring katiwalian si Cong noong isa pa siyang alkalde kaugnay sa halos P50 milyon pero napawalang sala kaya nakuha pa rin niya ang tiwala ng mga mamamayan ng  kanyang lungsod.

Sino ang mambabatas na ito? Clue? Minsan na siyang nagalit sa isang police official dahil nag”marites” ito na siya ay kuripot.