Home METRO China rocket debris ibinabalang babagsak sa katubigan ng Ilocos, Cagayan

China rocket debris ibinabalang babagsak sa katubigan ng Ilocos, Cagayan

Nagbigay-babala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa posibleng pagbagsak ng mga labi mula sa paglulunsad ng rocket ng China na Long March 7A sa katubigang malapit sa Ilocos Norte at Cagayan.

Sa isang memorandum na may petsang Hunyo 25, inalerto ng NDRRMC ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno tungkol sa paglulunsad ng rocket ng China, na naka-iskedyul sa pagitan ng Hunyo 28 hanggang 30.

“Ang mga bahagi ng Long March 7A rocket na ito ay inaasahang bababa sa loob ng tinukoy na drop zone na humigit-kumulang 75 NM ang layo mula sa Burgos, Ilocos Norte at 126 NM ang layo mula sa Santa Ana, Cagayan,” sabi ng NDRRMC.

Kaugnay nito hiniling ng NDRRMC sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na isaalang-alang ang pagpapataw ng mga pansamantalang paghihigpit, paunawa sa mga marino, at mga babala sa paglalayag sa baybayin para sa kaligtasan ng mga tao malapit sa tinukoy na mga drop zone.

Ayon sa NDRRMC, hindi hinihikayat ng Philippine Space Agency (PhilSA) ang publiko na kunin o malapitan ang mga debris dahil sa panganib mula sa mga labi ng nakalalasong substance tulad ng rocket fuel. Santi Celario