Home METRO Coastal waters sa Samar, E. Samar sapul ng red tide

Coastal waters sa Samar, E. Samar sapul ng red tide

TACLOBAN CITY- Nagbabala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Eastern Visayas sa publiko na huwag kumain, mangolekta, at magbenta ng lahat ng uri ng shellfish sa dalawang bays at sa coastal waters sa Samar.

Bunsod ang anunsyo ng presensya ng toxic microorganism na nagdudulot ng red tide.

Sa June 19 advisory, inihayag ng BFAR na naitala nito ang presensya ng Pyrodinium bahamense, isang toxic microorganism na nagdudulot ng paralytic shellfish poisoning (PSP) sa coastal waters ng Eastern Samar.

Kabilang sa mga apektadong lugar ang Irong-Irong Bay sa Catbalogan City sa Samar at Matarinao Bay sa General MacArthur, Quinapondan, Hernani, at Salcedo sa Eastern Samar.

Nag-isyu ring ng local advisory ang Eastern Samar provincial fishery office sa bayan ng Guiuan, na nagbabala ukol sa presensya ng  red tide toxin sa coastal waters ng Guiuan.

Pinayuhan ng BFAR ang publiko na huwag kumain at magbenta ng anumang uri ng shellfish at Acetes sp., kilala bilang “alamang” o “hipon,” mula sa mga apektadong bay at katubigan.

Ligtas namang kaininin ang isda, pusit, hipon, at alimasag basta’t sariwa at hinugasang mabuti at tinanggal ang mga lamang loob nito bago lutuin. RNT/SA