Home NATIONWIDE Code Blue Alert binawi na ng DOH sa pagkonti ng kaso ng...

Code Blue Alert binawi na ng DOH sa pagkonti ng kaso ng pertussis, tigdas

MANILA, Philippines – Idineklara ng Department of Health (DOH) nitong Huwebes ang pag-deactivate ng Code Blue alert sa kanilang central office dahil naitala nito ang patuloy na pagbaba sa mga kaso ng pertussis at tigdas mula nang magpatupad ito ng pinaigting na pagbabakuna laban sa mga nakakahawang sakit.

Batay sa datos ng DOH, bumaba ng 38% ang mga kaso ng whooping cough o pertussis mula Mayo 12 hanggang Mayo 25 sa 187, kumpara sa 301 kaso mula Abril 28 hanggang Mayo 11.

Ang bilang ng naitalang measles-rubella cases ay nagpakita rin ng senyales ng “plateauing” dahil ang 283 kaso mula Abril 28 hanggang Mayo 11, ay bumaba ng 37% hanggang 178 lamang mula Mayo 12 hanggang Mayo 25.

Partikular sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), bumaba ng 58% ang tigdas-rubella mula 86 na kaso noong Abril 28 hanggang Mayo 11, hanggang 36 na kaso noong Mayo 12 hanggang Mayo 25.

“Recent data, spanning from January 1 to June 8, 2024, highlights a continuous decrease in pertussis cases. In the BARMM, reported measles-rubella cases are stabilizing,” ayon sa DOH.

Binigyang-diin din ng DOH na ang Measles Outbreak Response Immunization (MORI) sa BARMM ay naging isang “malaking tagumpay” matapos mabakunahan ang kabuuang 1,203,497 indibidwal o 87.9% ng eligible population.

Noong Marso, itinaas ng DOH ang Code Blue alert at nagtatag ng Public Health Emergency Operations Center para mapababa ang mga kaso ng pertussis at tigdas sa buong bansa.

Ito ay dahil idineklara ng Quezon City ang outbreak ng pertussis kasunod ng pagtaas ng mga kaso ng contagious respiratory infection.

“Code Blue has been practiced in the DOH Central Office since March 20, which signals intensified activities to mitigate the spread of the virus through vaccination, micronutrient supplementation, community engagement, and risk communication,” sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa.

Itinataas ang Code Blue Alert upang hudyat ang pinaigting na mga aktibidad upang mapagaan ang pagkalat ng virus sa pamamagitan ng pagbabakuna, micronutrient supplementation, pakikipag-ugnayan sa komunidad, at komunikasyon sa panganib. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)