Home NATIONWIDE Community intervention kailangan sa pagtaas ng kaso ng dengue – Bong Go

Community intervention kailangan sa pagtaas ng kaso ng dengue – Bong Go

MANILA, Philippines – Dahil sa pagtaas ng kaso ng dengue fever sa ilang lugar, nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go, tagapangulo ng Senate committee on health, na magkaroon ng mahigpit na pagbabantay at pag-iingat sa mga komunidad.

Sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH), nakapagtala ang bansa ng 67,874 kaso ng dengue mula Enero hanggang Mayo 2024.

Binigyang-diin ni Go ang agarang pagpapahusay ng mga hakbang at pakikipag-ugnayan sa komunidad upang epektibong labanan ang dengue outbreak.

“Sa harap ng tumataas na bilang ng mga kaso ng dengue, kailangan nating mag-double effort sa pag-iingat. Ang pagiging alerto at maagap sa pag-iwas ay susi sa pagprotekta sa ating mga komunidad,” ani Go.

Sa 28% pagtaas ng mga kaso na iniulat sa mga partikular na rehiyon tulad ng Quezon City at ilang bahagi ng Western Visayas, binigyang-diin ni Go na mahalaga ang pagtutulungan ng pamahalaan at komunidad upang malinis ang mga lugar sa pag-aanak ng lamok at isulong ang pampublikong edukasyon sa kalusugan.

“Walang dapat na mapabayaan sa ating laban kontra dengue. Dapat tayong magtulungan upang matiyak na walang stagnant na tubig at maiwasan ang pagdami ng mga lamok,” anang senador.

Nanawagan ang senador sa Department of Health, LGUs, pribadong sektor, at mga komunidad na mahigpit na magtulungan at ipatupad nang mas mahigpit ang pinahusay na diskarte sa 4-S laban sa dengue.

Kabilang sa mga estratehiya ang (1) “Search and Destroy” mosquito breeding places, (2) “Secure Self Protection” from mosquito bites, (3) “Seek Early Consultation” kung may palatandaan at senyales ng dengue at (4) “Say Yes to Fogging.”

Nagsusulong din si Go para sa mga local government units na paigtingin ang kanilang monitoring at cleanup efforts, partikular sa mga high-risk areas.

“Malaki po ang epekto ng malinis na kapaligiran sa pag-iwas natin sa mga sakit. Kaya naman umaasa ako sa mga komunidad natin na panatilihin natin na malinis ang ating kapaligiran, lalo na kapag may stagnant water na pinamamahayan ng mga lamok,” payo ni Go.

Batid ang asymptomatic na katangian ng maraming kaso ng dengue, idiniin din ng senadora ang pangangailangan para sa mas mataas na kamalayan at maagang pagtuklas.

“Marami sa mga kaso ng dengue ay walang sintomas, kaya lalo nating kailangan ang pagiging mapagmatyag at maagap sa pagkilala sa sakit,” sabi ng senador.

Samantala, inulit ni Go ang kanyang pangako na susuportahan ang pagtatatag ng mas maraming Super Health Center sa buong bansa.

Ang mga Super Health Center ay idinisenyo upang tumuon sa pangunahing pangangalaga, konsultasyon, at maagang pagtuklas sa mga sakit, lalo na sa mga komunidad ng mahihirap. RNT