Home NATIONWIDE ‘Full briefing’ mula sa DFA sa pinakabagong insidente sa Ayungin hirit ng...

‘Full briefing’ mula sa DFA sa pinakabagong insidente sa Ayungin hirit ng Senado

MANILA, Philippines- Inihirit ng Senado ang “full briefing” mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) ukol sa pinakabagong insidente sa Ayungin Shoal sa pagitan ng mga sundalong Pilipino at ng Chinese Coast Guard personnel kung saan anim na Pilipino ang nasugatan, ayon kay Senate President Francis Escudero nitong Huwebes.

Inihayag ni Escudero ang pagkabahala sa paglala ng tensyon sa West Philippine Sea (WPS).

“The escalation of tensions in the West Philippine Sea is alarming, and the Senate will be seeking a full briefing from the DFA on the latest incident, as well as the efforts being undertaken to address this,” wika ng senador.

Habang hinihintay ang briefing, inulit ni Escudero ang panawagan niya para sa dayalogo sa pagitan ng Philippine at Chinese officials upang maiwasang umigting pa ang tensyon sa rehiyon.

Sinabi pa niya na ang DFA “should go beyond the filing of diplomatic protests each time an incident occurs, and must explore every means to conduct a meaningful dialogue with their counterparts from Beijing with the end in view of avoiding further escalation, without giving up any of our rights and privileges in our claimed territory vis-a-vis theirs.” 

Hinikayat ni Escudero ang Armed Forces of the Philippines “to explore alternative methods” sa paghahatid ng suplay sa BRP Sierra Madre, ang nakasadsad na barko na nagsisilbing Philippine post sa Ayungin Shoal.

Aniya, matitiyak nito na ang sapat na suplay para sa mga sundalong Pilipino “while minimizing the risks and achieving our desired objectives.”

Kinumpirma ng AFP noong nakaraang Martes na nagtamo ang isang Philippine Navy service member ng “severe injury” kasunod ng banggaan sa pagitan ng Chinese ship at ng Philippine vessel na nagsasagawa ng rotation and resupply mission (RORE) sa Ayungin Shoal sa WPS. Napag-alaman kalaunan na naputulan ng daliri ang service member sa nasabing insidente.

Kinondena naman ito ng Pilipinas, sa pamamagitan ng DFA, at ng United States.

Matatagpuan ang Ayungin Shoal, tinatawag ng China na Ren’ai Reef, 105 nautical miles sa kanluran ng Palawan at saklaw ng 200-mile exclusive economic zone (EEZ) ng bansa at bahagi ng continental shelf nito.

Inaangkin ng China ang halos kabuuan ng South China Sea, na hinamon ng Philippine government sa Permanent Court of Arbitration (PCA) sa  The Hague noong 2013. Nagdesisyon  ang Korte pabor sa Pilipinas noong Hulyo 2016 nang ibasura ang nine-dash claim ng China sa South China Sea.

Subalit, hindi kinikilala ng Bejing ang hatol. Ernie Reyes