Home NATIONWIDE Gadon sa gross misconduct verdict: Pinupolitika ako ng SC; ABS-CBN kinaladkad din

Gadon sa gross misconduct verdict: Pinupolitika ako ng SC; ABS-CBN kinaladkad din

MANILA, Philippines – Posibleng may koneksyon umano sa ABS-CBN shutdown ang mga parusang natangap ni Presidential anti-poverty czar Larry Gadon mula sa Supreme Court.

Ito ang paniniwala ni Gadon matapos hatulan si Gadon na guilty sa gross misconduct dahil sa mga maling akusasyon nito laban kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Magugunita na sinibak bilang abugado nitong nakaraang taon ng Supreme Court si Gadon dahil sa viral video clip kung saan ilang beses nitong minura at binastos ang journalist na si Raissa Robles.

Kahapon, May 23, ay napatunayan naman na guilty si Gadon sa gross mosconduct kung kaya inatasan na magbayad ng ₱150,000 bilang multa.

Gayunman, iginiit ni Gadon na ang lahat nito ay dahil biktima umano siya ng pamumulitika ng Korte Suprema.

Binanggit ni Gadon na ang dating ABS-CBN reporter at abugado na si Mike Navallo na kamakailan ay hinirang bilang SC Chief Communications Officer.

Maari umanong may galit sa kanya si Navallo dahil siya ang unang naghain ng reklamo laban sa pagkakaloob ng Kongreso ng temporary franchise.

March 2020 nang maghain si Gadon ng petition for prohibition sa SC pars hilingin na mapatigil si Telecommunications Commissioner Gamaliel Cordoba, dating house Speaker Alan Peter Cayetano at House Committee on Legislative Franchises Chair Franz Alvarez sa pag-iisyu ng provisional franchise.

“I am not blaming ABS-CBN, but maybe because of some connection before with ABS-CBN.”

Ipinahiwatig rin ni Gadon na posibleng pasimuno rin umano laban sa kanya si Senior Associate Justice Marivic Leonen. Dahil umano ito sa isinampa niyang impeachment case laban kay Leonen noong 2019.

Wala naman inilabas na anumang pruweba si Gadon para suportahan ang kanyang mga akusasyon laban sa mga nabanggit na personalidad. Teresa Tavares