Home OPINION HIRAC, PANLABAN SA ‘KAMOTE RIDERS’

HIRAC, PANLABAN SA ‘KAMOTE RIDERS’

NAPAKALAKING pakinabang para sa isang negosyo ang tinatawag na HIRAC o hazard identification, risk assessment and control document. Kabilang ito sa requirements ng Department of Labor Employment   and sa pagpapaigting ng safety and health sa bawat workplace.

Hindi dapat makaligtaan ang HIRAC sa mga dokumentong kailangang isumite ng kompanya sa regional office ng labor department. Sa pamamagitan nito, maaari nang pigilan ang mga nakaabang na panganib na maaaring magdulot ng aksidente at sakit para sa motorcycle riders.

Hindi uubra ang ugaling “bastat makapagpasa lang” ng requirement sa kagawaran. Kung tutuusin, isa sa mga pangunahing dokumento ang HIRAC na magbibigay daan at gabay sa management para matukoy at malunasan ang mga hazard na lubhang malaki ang tinataglay na panganib sa pagmomotorsiklo. Madali na ring matutugunan ang pangangailang pang-emergency dahil maliban sa preventive measures, nakapaloob din dito ang mitigation aspects.

Halimbawa, kung magmamaneho ng company provided motorcycle ang isang awtorisadong empleyado, kabilang sa prevention measures ang pagbibigay ng sa kaniya ng mandatory eight hour safety and health seminar o MESH, defensive driving training, pagbibigay ng safety briefing o toolbox talk mula sa supervisor, may welfare instructions, paniniguro na valid ang driving license, medically fit, nasa maayos na pangangatawan bago magdrive, pasado sa alcohol breath test, kumpleto at suot ang personal protective equipment sa tuwing magmomotor at iba pa.

Kabilang naman sa mitigation measures ang paghahanda ng kompanya sa mga pangangailangan tulad ng installed global positioning device o GPS, emergency plan and procedures (police, fire and medical emergency hotline, rescue team responder, first aid kit, automated external defibrillator o AED), sistema nang pagpapataw ng parusa para sa pasaway na rider o mas kilala sa tawag na “kamote” at iba pa.

Kung may komprehensibong HIRAC ang kompanya na tinutukoy ang mga hazard ng pagmamaneho ng company owned motorcycle, maaari itong makabawas sa problemang kinakaharap ng bayan kung saan sangkot ang mga “kamote’ rider.

Pangarap natin na magkaroon ng inisyatibong mala-HIRAC ang mga motorcycle taxi app companies kahit pa sabihing wala silang employer-employee contract o relationship sa mga rider.