Home OPINION IBANG-IBA NOON TSK, TSK, TSK

IBANG-IBA NOON TSK, TSK, TSK

ANG serbisyo ng pamahalaan noon at ngayon ay napakalaki nang pagkakaiba. Ngayon, madalas sabihin na walang pinipili ang pagseserbisyo ng pamahalaan sa mamamayan – mayaman o mahirap.

 Sa palagay ba nilang mga nasa posisyon, maniniwala ang mahihirap na mamamayan? Hindi ba’t higit na umiiral ngayon ay kung sino ang kakilala ng nakaupo hindi kung ano ang kailangan nang nakararami?

Isang halimbawa na lang ay ang pagpasok sa mga kampo ng pulis at sundalo o kaya naman ay sa mga tanggapan ng pamahalaan kung saan bago makapasok ay tatanungin ng mga guwardiya o nakatalaga sa gate kung kanino pupunta at kung may appointment.

 Kasi, hindi nila papapasukin kapag walang appointment. Paano naman kung may kailangang iparating sa kinauukulan at walang kakilala ang nagtungo sa tanggapan?

 Isa pang naiiba ngayon ay ang mga paradahan sa isang tanggapan ay nakalaan lang sa mga boss at kanilang mga tauhan. Kapag ang isang bisita ay hindi kasing yaman ng nakaupong boss o mga opisyal nito na todo may driver pa hindi nito makakausap ang sadya dahil wala siyang paradahan. Ituturo siya sa napakalayong parking space kung saan bukod sa may bayad (wala na naming libre ngayon) ay tagaktak  at amoy pawis na bago makarating sa pupuntahang opisina.

Noon, kapag wala ang taong sinadya sa opisina, may haharap sa bisita na aalamin ang pakay nito. Pero ngayon, kapag wala ang pakay uuwing luhaan ang bisita at babalik na lang sa ibang araw kung may pagkakataon muli. Eh di ba sayang ang pagod at oras?

Sana sa Bagong Pilipinas, maibalik ang serbisyo sa mamamayan lalo na sa mahihirap o iyong nasa middle class. Kasi ngayon, kapag hindi ka ka-level at hindi pakikinabangan, hindi ka haharapin ng ilang opisyal ng pamahalaan lalo na’t abot-kamay na  nila ang tagumpay.

Pero dapat nilang isipin na bilog ang mundo. Umiikot ang kapalaran ng tao tulad ng “gulong ng palad” – maaaring ngayon ay nasa itaas ka, pero sana huwag dumating ang panahon na mapasailalim ka at hindi na umikot pa ang gulong. Mahirap kapag na-flat ito at walang reserbang nakalaan. Tsk….Tsk…..Tsk………..