Home OPINION IMPLEMENTASYON NG SIM REGISTRATION ACT, HINDI NAIPATUPAD NG NTC O DICT?

IMPLEMENTASYON NG SIM REGISTRATION ACT, HINDI NAIPATUPAD NG NTC O DICT?

Noong ika-10 ng Oktubre 2022, nilagdaan ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. ang Republic Act No. 11934 o ang Subscriber Identity Module Cards Registration Act na siyang kauna-unahang batas na naipasa ng 19th Congress sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Sagot ito ng pamahalaan sa lumalaganap na krimen gamit ang  mobile phones katulad ng text scams.
Nakasaad sa batas ang pagrerehistro ng mga bagong SIM card holders sa kani-kanilang binilhang telecommunication service providers.
Maging ang mga kasalukuyang ginagamit na SIM cards ay kinakailangang iparehistro sa loob ng 180 days matapos ma­ging epektibo ang bagong batas.
Ayon sa DICT o sa Department of Information and Communications Technology, asahan na gagawing obligado ang mga SIM holders na irehistro na ang kanilang mga SIM. Ang hindi rehistradong SIM cards sa loob ng ibibigay na palugit ay awtomatikong magiging “deactivated”.
Anong nangyari pagkalipas ng halos magdalawang taon nang nakalipas?
Nakatikim ng sermon ang NTC o National Telecommunications Commission buhat kay Senator Win Gatchalian dahil sa lantaran nitong pagkabigo na maipatupad ang mga probisyon ng Republic Act No. 11934 o ang SIM Registration Act.
Ang kakulangan umano ng NTC ay nagdulot ng paggamit ng mga scammer sa iba’t ibang Philippine Offshore Gaming Corporations (POGOs). Nagpapatuloy umano ang mga ito sa panloloko gamit ang iba’t ibang SIM.
Ayon pa sa senador, isang common denominator umano ng mga sinalakay na mga POGO ang pagkakaroon ng bulto-bultong SIM cards na ginagamit sa pandaraya at panloloko.
Nakita umano ito sa pag-raid sa Smartweb Technology Corporation sa Pasay City, sa Zun Yuan Technology sa Bamban, Tarlac at sa pagpapatuloy na paghalughog sa Lucky South 99 na nasa Porac at Angeles city, Pampanga.
Natuklasan sa Zun Yuan ang mga SIM card na may maling pagkakakilanlan kasama ang iba’t ibang telepono at script na ginagamit sa panloloko.
Ginagamit umano ang mga SIM card sa pagsasagawa ng love scam, cryptocurrency scam, at iba’t ibang investment scam.
Habang sa Lucky South 99 ay nakita ang iba’t ibang phone device, droga, at mga torture device.
Dagdag pa ng senador, pangunahing layunin ng SIM registration na mabawasan kung hindi man maputol ang mga scam na ginagawa sa pamamagitan ng text o online messages, pero taliwas ang naging resulta, mas lumala pa diumano ang mga aktibidad ng panloloko.
 Sa pinakahuling datos, nasa 60.4 percent ng tinatayang 168 million subscribers ang nakapagrehistro na ng kanilang mga SIM.