Home OPINION IPAGLABAN ANG BAYAN, TUNGKULIN NG BAWAT FILIPINO

IPAGLABAN ANG BAYAN, TUNGKULIN NG BAWAT FILIPINO

SA pagdiriwang ng ika-126 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan, ipinaalala ni Pangulong Bongbong Marcos na hindi lamang ito paglingon sa kasaysayan, kundi paalala rin sa bawat Filipino na ang hamon para sa pagpapatuloy na kalayaan ay kailangan pa ring isulong.

Taglay nga rin daw natin ang katapangan kung kalayaan ng bansa lamang ang pag-uusapan. Handa tayong lahat na ipagtanggol ang bansa sa sinomang magtatangkang agawin o guluhin ang bayan, ayon kay Pangulong Marcos.

Sa kanyang talumpati sa Quirino Grandstand, sabi ni President Marcos, iyan ang ating maitutulong para sa bayan, ang kahandaan na ipagtanggol ito.

“Ang ating mga ninuno ay hindi umurong sa digmaan, kaya’t tayo ay hindi rin tatalikod sa tungkuling ipagtanggol ang ating nasasakupan,” giit pa ng Pangulo.

“Ipapakita natin sa buong daigdig na ang tunay na kapangyarihan ay hindi nasusukat sa lakas o sa yaman, kung hindi sa tunay na kahulugan at katuwiran ng ating ipinaglalaban, sa alab ng pag-ibig sa bayan, at sa ‘di matatawarang pagkakaisa ng ating mga mamamayan,” dagdag pa niya.

Ang taus-pusong kahandaan para ipaglaban ang karapatan na maging malaya, ay talaga namang taglay na natin. Sama-sama tayong nagbabantay sa mga banta o panganib, at mapaunlad ang bawat isa, ay lagi nating ginagawa.

Nais nga din ng ating Pangulo na itanim sa ating mga isipan, lalo na sa mga kabataan, na ang ating mga ninuno ang naghirap, nagbuwis pa nga ng kanilang mga buhay, sa tinatamo nating kalayaan ngayon. Kaya nararapat lamang na tayo ay handa rin sa mga ganitong sitwasyon.

Lalo na ngayob na maraming banta sa ating bansa. Nariyan ang lumalalang tensiyon sa West Philippine Sea; ang pagpasok ng lahat na iligal na bagay kabilang na ang bawal na gamot at sugal.

Nararapat lang na alam nating lahatkung paano ito masawata at labanan.

‘Di tayo dapat palamya-lamya o pakaang-kaang sa mga ganitong panganib. Kailangan natin ng pagkakaisa sa mga ganitong sitwasyon.