Home NATIONWIDE Kadiwa store mobile application ilulunsad ng DA

Kadiwa store mobile application ilulunsad ng DA

MANILA, Philippines – Target ng Department of Agriculture (DA) na i-pilot-test ang isang Kadiwa store mobile application para gawing mas madaling mapuntahan ng mga mamimili ang abot-kayang produktong agrikultura.

“Nagpaplano na magtayo ng isang Kadiwa app kung saan mas mapapadali ang pag-o-order at pagbibili ng ating mga mamimili sa Kadiwa,” ani DA Assistant Secretary for Consumer Affairs and Legislative Affairs Genevieve Velicaria Guevarra sa programang Usapang Agrikultura ng Radyo Pilipinas noong Lunes.

“Sana by the end of the year, magkaroon tayo ng pilot project kung saan ite-testing natin, siguro dito muna sa NCR (National Capital Region),” sabi pa niya.

Ayon sa opisyal ng DA, halos dalawang milyong kabahayan ang regular na bumibili sa 472 na tindahan ng Kadiwa sa buong bansa.

Kabilang dito ang 266 regular na Kadiwa store, 119 regular na Kadiwa pop-up store, 52 regular na Kadiwa ng Pangulo (KNP) sites, 32 Kadiwa-on-wheels, at tatlong Kadiwa centers.

Mayroon ding mahigit 1,400 na kooperatiba at organisasyon ng mga magsasaka na kasalukuyang naka-link sa mga tindahan ng Kadiwa.

Sinabi ni Guevarra na plano ng DA na magtatag ng hindi bababa sa isang Kadiwa Center bawat lalawigan sa pakikipagtulungan sa mga yunit at ahensya ng lokal na pamahalaan. Santi Celario