Home METRO Lolo na wanted sa statutory rape, nasakote sa Valenzuela

Lolo na wanted sa statutory rape, nasakote sa Valenzuela

MANILA, Philippines – REHAS na bakal ang kinasadlakan ng isang lolo na wanted sa tatlong bilang ng kasong statutory rape matapos matunton ng pulisya sa kanyang tinitirhan sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.

Ayon kay Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) hinggil sa kinaroroonan ng akusadong si alyas ‘Ley’, 68, kaya niyang inutusan ang WSS na bumuo ng team para hulihin ang akusado.

Kasama ang mga tauhan ng Northern NCR Maritime Police Station, agad ikinasa ng WSS ang joint manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong ala-1:30 ng Martes ng hapon sa Zone 1-A, Bernardo Compound, Barangay Palasan.

Binitbit ng pulisya ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Acting Presiding Judge Mateo B Altarejos ng Regional Trial Court Branch 172, Valenzuela City noong June 14, 2024, para sa kasong Statutory Rape (3 counts) Sexual Assault (4 counts) at Acts of Lasciviousness in rel. to Sec. 5(b) of R.A. 7610 – Child Abuse Law.

Pansamantalang nakapiit sa detention facility unit ng Valenzuela Police Station ang akusado habang hinihintay ang paglalabas ng commitment order ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Valenzuela City Jail. Rene Manahan