Home METRO Lookout bulletin vs Bamban Mayor, iba pa ipinalabas ng BI

Lookout bulletin vs Bamban Mayor, iba pa ipinalabas ng BI

MANILA, Philippines- Pinairal na ng Bureau of Immigration (BI) ang immigration lookout bulletin order (ILBO) na inilabas ng Department of Justice (DOJ) laban kay Bamban Tarlac Mayor Alice Guo.

Ibinahagi ni BI Commissioner Norman Tansingco na natanggap ng kanyang tanggapan ang tatlong-pahinang ILBO na may petsang Hunyo 21 mula sa DOJ na inisyu laban kay Mayor Alice Leal Guo, isang Guo Hua Ping, at 17 iba pa.

Nabatid na ang ILBO ay inisyu ng DOJ para sa prudence na nagtuturo sa mga opisyal ng imigrasyon na i-double check kung mayroong anumang nakabinbing warrant of arrest laban sa mga nasasakupan, anumang paglabag, o upang subaybayan ang kanilang mga itinerary at kung nasaan ang mga ito sakaling subukan nilang umalis ng bansa.

Nakasaad din sa kautusan na maghahain ng precautionary Hold Departure Order laban sa mga inisyuhan ng ILBO.

Sinabi ni Tansingco na ang alerto ay naka-encode sa kanilang system para matukoy ng BI officers ang anumang pagtatangka nilang bumiyahe.

Noong Hunyo 23, naharang ng BI ang paglalakbay ng isang babaeng Chinese na kasama sa ILBO.

Kinilala ang babae na si Zhang Jie, 30, na nagtangkang sumakay ng flight papuntang Jinjiang, China sa Davao International Airport (DIA).

Inalerto ang mga opisyal sa kanyang mga rekord na nag-udyok sa kanila na magsagawa ng pangalawang inspeksyon at beripikasyon sa DOJ, bilang pagsunod sa ILBO.

Sinabi ni Tansingco na mayroon silang dahilan upang maghinala na si Zhang ay may mga problema sa visa dahil idineklara niya ang kanyang sarili bilang walang trabaho ngunit nagpapakita ng 9(g) commercial employment visa.

Ang mga dayuhang mamamayan na huminto sa trabaho sa kanilang kompanyang nagpetisyon ay kinakailangang isuko ang kanilang ACR I-Card at i-downgrade ang kanilang visa. Sinabi ni Tansingco na nakatakda silang magsagawa ng imbestigasyon sa kanyang visa status

Sa isinagawang kumpirmasyon na iniatas ng mga kinatawan ng DOJ mula sa Inter-Agency Council Against Trafficking, pinahinto si Zhang sa kanyang pagsakay. Jay Reyes