Home OPINION MAKUKULIT NA ONLINE LENDING, MANLOLOKONG ONLINE SELLERS AT INUTIL NA NTC

MAKUKULIT NA ONLINE LENDING, MANLOLOKONG ONLINE SELLERS AT INUTIL NA NTC

HANGGANG pag-amin na lang ba na palpak ang SIM registration program ng pamahalaan ang kayang gawin ng National Telecommunication Commission?

Maraming indibidwal na ang napeperwisyo ng ilang online lending companies na panay-panay  ang padala ng message at tawag kahit dis-oras ng gabi para lang sabihan ang may-ari ng numero na ipagbigay alam sa kliyente nilang nangutang na magbayad sa kanila.

Idadahilan pa na ang tinatawagan nila ang ibinigay na reference person ng kanilang mangungutang. Eh bakit kasi hindi nyo muna tinawagan an gang ibinigay na reference bago kayo nagpautang?

Kinukulit n’yo ang mga taong wala namang kinalaman sa inutang sa inyo!!!

Ang totoo, isa ang Pakurot  sa mga biktima ng online lending companies na ito. Hindi masaya ang mga tumatawag mula sa online lending companies (tulad ng Peramoo, Pesohere at Pesogo pwera pa ang mga VIP) kapag hindi nasigawan o tinakot ang mga tinatawag nilang referral.

Dahil kahit disoras ng gabi o kaya naman ay Linggo, araw ng pahinga ng mga tulad nating empleyado, hindi ko na sinasagot ang tawag dahil sa sobrang antok. Pero iniisip ng partner ko (foreigner) na importante, sinasagot niya kaso kapag sinabi niyang “speak English” minumura siya nang tumatawag. At iyon ang hindi ko na kayang palampasin. Pero paano mo hahagilapin ang mga ito gayung numero lang ang gamit nila?

Habang ito naman Fast Cash VIP ay maganda ang mensahe at nakikisuyo na pakisabihan ang nangutang sa kanila na harapin ang obligasyon. Pero pamamahiya pa rin iyon sa kanilang kliyente.

Bukod sa online lending, marami ring reklamo na natatanggap ang inyong lingkod  mula sa online buyers na niloko ng mga online seller na gumagamit ng ads sa social media.

Hindi ba ito sakop din dapat ng NTC?  May isang reklamo pa na kamangha-mangha mula sa isang kasama sa trabaho. May tumawag sa kanya sa mobile number niya na ang lumabas sa screen na  registered name ay GSIS na naniningil sa kanya ng  umano’y kanyang mga inutang na produkto sa online.

Laking gulat nitong kasama sa trabaho dahil nagbanta na ipapahiya siya sa kompanya at sa kanyang mga kaibigan na nasa talaan ng kanyang contacts.

Ang lalakas talaga ng loob ng mga scammer na ito.

May balita pang ang daming nakumpiskang SIM card sa raid na isinagawa ng pamahalaan sa  POGO sa Pampanga. Anong reaksyon ng mga SIM card producers tulad ng Globe, Smart, Dito at iba pa?

Teka lang, di ba press release noong ng NTC na kakanselahin ang mga numero ng SIM kapag hindi ipinarehistro sa ibinigay nilang deadline, anong nangyari? Bakit tila mas marami pang “scammer” ang lumalabas ngayon kung kelan may SIM registration program kaysa noon?

Ibig bang sabihin natutulog sa pansitan ang mga taga NTC? O baka naman dahil alam nilang mabait si Pangulong Ferdinand Marcos Jr at hindi kayang gumamit ng kamay na bakal?