Home OPINION MAY CANCER SA MANOY PARAMI NANG PARAMI

MAY CANCER SA MANOY PARAMI NANG PARAMI

BOY talk at hindi girl talk tayo ngayong araw, mga Bro.

Kaugnay ito ng parami nang parami na kasong kanser mismo sa ari ng lalaki.

Iba ito sa prostate cancer na matatagpuan sa prostate gland na nasa ilalim at konektado sa pantog at sa pagitan ng yagbols at anus o labasan ng dumi.

May kanser ka sa prostrate kung bigla ka na lang hindi makaihi, maya’t mayang umiihi ka sa gabi, masakit umihi at iba pa.

Sa kanser sa manoy, matatagpuan ito mismo mula sa ulo at katawan ng manoy, pero karaniwang nagsisimula sa ulo ni manoy.

Kapag may mga tumutubong kung ano-ano gaya ng wart doon o kaya’y may mga tumutubong laman o nangingitim na bahagi at tila namamaga o may amoy ang lumalabas, aba, magpatsek-ap ka na sa doktor o sa ospital.

Baka meron nang kanser si Manoy mo.

KAPAG NAPABAYAAN, MAGHANDA-HANDA KA NA!

Nagagamot naman ito kung maagapan gaya ng pag-alis o paglaplap sa may kanser na bahagi ng ari.

Ngunit kung mapabayaan, anak ng tokwa, maghanda-handa ka na sa maaaring pagkaputol sa ulo o buong katawan ni manoy.

At problema na lang kund saan ilalagay ang urethra o ihian bagama’t karaniwang ipinupwesto ito sa pagitan ng yagbols at anus.

Kaya naman, kung umihi ka, para kang umiihing babae na kailangang umupo.

Kung naging malala na ang kanser ni manoy, maaaring si Lord na lang ang pag-asa mo para mabago ang kapalaran mo at maiwasan mong maubos ang kandila ng buhay mo sa harapan ni San Pedro.

LIBO-LIBO ANG BIKTIMA

Libo-libo na ang may kanser sa manoy sa iba’t ibang bansa.

May pinakamaraming biktima sa Uganda, Brazil, Thailand, at Kuwait at meron na rin sa United Kingdom, Germany at iba pa noong 2008 hanggang 2012.

Sa pagitan naman ng 2012 at 2022 at sa Brazil lamang, nasa 21,000 kaso na ang biktima at mula rito, nasa 4,000 na ang namatay habang 6,500 ang naputulan o dalawang biktima ang napupugutan araw-araw.

Hindi man sinasabi ng ulat, tiyak na may mga patay at naputulan na rin sa Uganda, Thailand, Kuwait at iba pa.

MAGPABAKUNA, MAGPATULI

Ang Good News, mga Bro, sa hanay ng mga tuli, hindi gaanong problema ang kanser sa manoy at karamihan sa mga nagkakanser ang mga supot.

Dapat din umanong magpabakuna laban sa human papillomavirus (HPV) na isa sa mga pangunahing dahilan ng nasabing kanser.

Dapat din umanong maglinis lagi, lalo na ang mga supot, dahil namamahay sa supot ang nasabing virus at nahahawa pa ang sex partner nito.

O paano, mga Bro?