Home OPINION MAY PINOY BA SA 1K PATAY SA HAJJ SA SAUDI?

MAY PINOY BA SA 1K PATAY SA HAJJ SA SAUDI?

NGAYON lang lumitaw na umabot pala sa mahigit 1,000 ang namatay sa hajj pilgrimage sa Mecca, Saudi Arabia dahil sa sobrang init ng panahon sa lugar simula nitong nakaraang Biyernes.

May Pinoy kayang namatay rin sa sobrang init ng panahon na umaabot sa halos 52 degrees Celsius sa mismong Grand Mosque sa Mecca?

Sa 1,081 na namatay, nasa 658 umano ang taga-Egypt at 630 rito ang hindi rehistrado.

Magkadikit ang Egypt at Saudi Arabia sa bahagi ng Suez Canal at nasa pagitan lamang nila ang Red Sea.

Sa 10 bansa na pinanggalingan ng mga nagsagawa ng hajj pilgrimage, sila rin ang nag-ulat ng kani-kanilang mamamayang namatay.

Ang bansang Indonesia ang sumunod na may maraming patay sa bilang na 183 samantalang may 58 ang Pakistan.

Nag-ulat din ng mga patay ang Malaysia, India, Jordan, Iran, Senegal, Tunisia, Sudan at Iraq.

Nitong Linggo lamang, may halos 3,000 tinamaan ng sobrang init at nanghina nang labis ang kanilang mga katawan, ayon mismo sa Saudi.

Sinabing karamihan sa mga namatay ang hindi nagparehistro para makaiwas sa mahal na bayarin.

Dahil hindi sila nagparehistro, nawalan sila ang karapatang sumilong sa mga air-conditioned na gusali o tent bilang kanlungan laban sa init ng kapaligiran.

Sinasabing naging kapansin-pansin na sa paglipas ng panahon dahil sa climate change, nagbabago na ang init ng kapaligiran sa Saudi Arabia.

Bawat dekada, may dagdag na .4 degrees celcius ang init sa Saudi Arabia.

Kaya naman, sa taong ito, palatandaan ng nag-iinit na panahon ang pagkamatay ng mga nagsasagawa ng hajj.

Ang hajj pilgrimage ang kabilang sa limang haligi ng Islam.

Kapag nakapunta na sa Mecca ang isang Muslim, maituturing na siyang nalinisĀ  sa kanyang kasalanan at nakaabot sa siya sa estadong kabanalang malapit na kay Allah.