Home METRO Nanay, tatay patay; paslit, lolo’t lola sugatan sa salpukan ng traktor at...

Nanay, tatay patay; paslit, lolo’t lola sugatan sa salpukan ng traktor at trayk

NAGUILLAN, Isabela – Trahedya ang sinapit ng limang magkakaanak na nagresulta sa pagkamatay ng mag-asawa at pagkasugat ng kanilang isang taong gulang na anak at Lolo’t Lola nito matapos sumalpok ang sinasakyan nilang Tricycle sa isang Tractor sa Brgy. Magsaysay, Naguilian, Isabela.

Kinilala ang nasawing mag-asawa na sina Dominic Denna at Rosalie Denna habang sugatan ang kanilang anak na isang taong gulang na lalaki maging sina Mary Grace Denna at Domingo Denna na siyang nagmamaneho ng tricycle.

Ang Howo Tractor Head naman na may Trailer Steel Tanker ay minamaneho ni Edison Calipjo, 25-anyos, may asawa, at residente ng Cauayan City, Isabela.

Sa inisyal na pagsisiyasat, patungong lungsod ng Cauayan ang tractor na binabaybay ang katimugang direksyon habang kasalungat nito ang tricycle.

Nang makarating sa lugar ng insidente, hindi inaasahang pumutok ang gulong ng tricycle kaya’t nagpagewang gewang ito sa kalsada.

Nang makita ni Calipjo na drayber ng tractor ang nangyari sa kasalubong na tricycle, kaagad umano itong nagpreno ngunit sa kasamaang palad ay nasalpok pa rin ito.

Sa lakas ng banggaan, nayupi ang tricycle at malala ang tinamong pinsala ng apat na sakay nito habang sa kabutihang palad ay hindi ganun katindi ang sugat ng bata na agad namang naisugod sa pinakamalapit na pagamutan.

Doon ay binawian ng buhay ang mag-asawa habang patuloy pang sinusubaybayan ang lagay ng tatlong iba pa.

Dinala sa himpilan ng pulisya ang mga sangkot na sasakyan at maging si Calipjo na posibleng maharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Multiple Physical Injury and Damage to Property. Rey Velasco