Home NATIONWIDE P228M tulong sa mga apektado ng El Niño sa Western Visayas, bitbit...

P228M tulong sa mga apektado ng El Niño sa Western Visayas, bitbit ni PBBM

MANILA, Philippines – PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pamamahagi ng P288 million na tulong sa mga indibiduwal na apektado ng dry spell o matinding tagtuyot sa Western Visayas.

Sa katunayan, binisita ni Pangulong Marcos ang San Jose de Buenavista, Antique para I-turn over ang makinarya ng sakahan at mga kagamitan at maging ang cash assistance sa mga magsasaka, mangingisda at pamilya, bilang bahagi ng kanyang pangako na magbibigay ng kaginhawaan sa lahat ng mga filipino na labis na naapektuhan ng matinding tagtuyot sa panahon o buwan ng El Niño.

Namahagi ang Pangulo ng P10,000 kada isa sa 50 piling benepisaryo mula sa Antique, Iloilo, Guimaras, Capiz, at Aklan.

Gayundin, nakatanggap naman ang limang provincial government ng malaking halaga. tig-P50 milyon ang ibinigay sa Antique, Iloilo, Capiz, at Aklan, habang P28,410,000 ang ibinigay naman sa Guimaras.

“Magtiwala po kayo na sisikapin naming maabot ang ating mga liblib na pamayanan sa bawat sulok ng bansa nang sa gayon ay walang maiiwanan at mawalang mahuhuli, at sama-sama tayong maglalakbay patungo sa Bagong Pilipinas,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang naging talumpati.

Samantala, ang iba pang ahensiya ng gobyerno na namahagi ng tulong gaya ng cash assistance na nagkakahalaga ng P10,000 ay ang Department of Social Welfare and Development para sa 10,000 para sa piling recipients.

Ang bawat attendee ay nakatanggap naman ng limang kilo ng bigas mula sa tanggapan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez. Kris Jose