Home NATIONWIDE Pag-uuwi ng mga labi ng 3 OFWs na nasawi sa Kuwait fire...

Pag-uuwi ng mga labi ng 3 OFWs na nasawi sa Kuwait fire pinaplantsa na

MANILA, Philippines- Sinimulan na ang pagproseso sa mga labi ng tatlong overseas Filipino workers (OFW) na nasawi sa sunog sa tinutuluyang gusali sa Kuwait, sinabi ng gobyerno nitong Biyernes.

Sa public briefing, sinabi ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator Arnel Ignacio na mabilis ang gobyerno ng Pilipinas sa pagtugon ng pangangailangan ng mga Pilipino na apektado sa tragedya.

”Ang maaasahan nila, wala naman po tayong natitipid pagdating sa pagtulong sa ating mga kababayan na ganito ang mga nagiging sitwasyon. We are very very quick on the needs of our OFWs,” giit ni Ignacio.

”Ang repatriation nito ng remains ay in the process na po,” dagdag niya.

Nauna nang inihayag ni Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na nasawi ang tatlong OFWs dahil sa smoke inhalation.

Ang mga biktima ay kabilang sa grupo ng 11 OFW na pawang nagtatrabaho sa parehong Kuwaiti construction company na nakatira sa gusaling nasunog.

Sinabi ng departamento na dalawa pang OFW ang nananatiling nasa kritikal na kondisyon sa isang ospital, habang ang natitirang anim ay “ligtas at hindi nasaktan.”

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa sanhi ng sunog ngunit sinabi ni Kuwait’s deputy prime minister, Sheikh Fahad Yusuf Saud Al-Sabah, ang real estate owners ay may nilabag.

Nauna nang sinabi ng mga awtoridad ng Kuwait na tatlong tao ang nakakulong dahil sa hinihinalang pagpatay ng tao sa insidente.

Hindi bababa sa 49 katao ang nasawi sa sunog, habang marami ang nasugatan, naunang iniulat ng Kuwait Interior Ministry.

Karamihan sa mga nasawi at na-suffocate matapos ma-trap sa gusali, ayon sa Agence France-Presse. Jocelyn Tabangcura-Domenden