Home NATIONWIDE Pagbasura ng drug cases vs De Lima matagal nang inaasahan ni Aguirre

Pagbasura ng drug cases vs De Lima matagal nang inaasahan ni Aguirre

MANILA, Philippines – Sinabi ni dating Justice secretary Vitaliano Aguirre II nitong Lunes na matagal na niyang inaasahan ang pagbasura sa huling kaso ng droga laban kay dating senador Leila de Lima.

“Matagal nang inaasahan ‘yan. Gaya ng sinabi ko noon, I am happy for this development as she had suffered enough already,” ani Aguirre sa GMA News Online..

Matatandaan na ang tatlong kaso ng droga, na matagal nang binatikos ni De Lima bilang mga gawa-gawang kaso laban sa kanya, ay isinampa sa ilalim ng pamumuno ni Aguirre sa DOJ noong administrasyon ni Rodrigo Duterte.

Nitong Lunes, pinagbigyan ng korte ng Muntinlupa ang demurrer ni De Lima sa ebidensiya, na epektibong nabasura ang ikatlo at huling drug case na isinampa laban sa dating senador.

Nakalaya sa piyansa ang dating senador noong Nobyembre 2023 matapos makulong sa Camp Crame mula noong Pebrero 2017 dahil sa mga alegasyon sa droga.

Ang kanyang unang pagpapawalang-sala ay dumating noong Pebrero 2021 sa Muntinlupa City RTC Branch 205.

Noong Mayo 2023, pinawalang-sala ng Muntinlupa RTC Branch 204 sina De Lima at Ronnie Dayan, ang kanyang kapwa akusado at dating bodyguard, sa kasong illegal drug trading sa batayan ng reasonable doubt.

Nauna rito, ibinasura rin ng korte sa Quezon City ang dalawang kaso ng pagsuway ni De Lima.

Si De Lima, matapos gumugol ng halos pitong taon sa bilangguan, ay nagsabi noong Enero na ikinokonsidera ang pagsasampa ng mga kaso laban kina Duterte at Aguirre sa kanyang mahabang taon na pagkakakulong. RNT