Home NATIONWIDE PAGCOR-run casinos isapribado – House leader

PAGCOR-run casinos isapribado – House leader

MANILA, Philippines – Ipinanukala ng chairperson ng House Committee on Government Reorganization nitong Sabado, Hunyo 15 sa panukalang pagbuwag sa state-run gaming firm na Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) at isapribado ang self-operated casinos nito.

Ang panukala ni Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores ay layong buuin ang Philippine Amusement and Gaming Commission (PAGCOM), na siyang mangangasiwa sa regulasyon ng gaming operations sa bansa.

Sa isang kalatas nitong Sabado, sinabi ni Flores na isinama nito ang House Bill 3559, na inakdaan ni dating Batangas lawmaker at kasalukuyang Finance Secretary Ralph Recto.

Layon ng hakbang na tugunan ang conflicting roles ng PAGCOR bilang regulator at operator ng gaming activities sa pamamagitan ng privatization ng state-run casinos.

“I have chosen to adopt House Bill 3559 because, among others, it will abolish the Philippine Amusement and Gaming Corporation, transfer its regulatory powers to the Philippine Amusement and Gaming Commission, and privatize all existing PAGCOR operations and casinos, including all kinds of PAGCOR online gaming,” ani Flores.

Aniya, sa oras na maisailalim na sa deliberasyon ang panukala at magawa ang isang substitute bill, ipakikilala niya ang mga amyenda na epektibong bubuwag sa lahat ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs) na binigyan ng lisensya ng PAGCOR.

Sa isa pang amendment, lahat ng illegal POGOs ay bubuwagin partikular na ang mga hindi nabigyan ng lisensya at mga hindi na na-renew.

“Through the Committee and the technical working group, I will also introduce amendments that will remove online games on mobile phones and cyberspace that have become electronic means of cybercrime, scams, identity theft and online theft,” pahayag ni Flores.

Sa ilalim ng panukala, ang PAGCOM ay kokolekta ng 5% ng gross revenue tax mula sa casino operators.

Ang PAGCOM ay kokolekta rin ng karagdagang 25% mula sa aggregate gross earnings na gagamitin para sa mga priority projects ng lokal na pamahalaan kung saan matatagpuan ang mga gaming facility, pagtatayo at operasyon ng rehabilitation centers para sa paggamot sa adiksyon, at iba pang priority social services programs ng pamahalaan. RNT/JGC