Home NATIONWIDE Pagkasawi ng Pinoy seafarer mula sa Houthi attack ‘di pa kumpirmado –...

Pagkasawi ng Pinoy seafarer mula sa Houthi attack ‘di pa kumpirmado – DFA

MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi pa nito nakukumpirma ang pagkamatay ng isang Pilipinong seafarer sa pag-atake ng Houthi rebels ng Yemen noong nakaraang linggo sa isang bulk cargo carrier sa Red Sea.

Sa isang panayam, sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega na hindi pa nila makumpirma ang pagkasawi hangga’t hindi nila nakikita ang bangkay ng Pilipino. Inihayag naman niya ang pag-asang buhay pa ang nawawalang seafarer.

Iniulat ng Agence France-Presse, batay kay National Security Council spokesman John Kirby, ang pagkasawi ng Filipino sailor mula sa MV Tutor, isang Liberian-flagged, Greek-owned ship.

Sinabi sa AFP report na binaha ang MV Tutor at inabandona matapos tamaan ng sea drone noong Miyerkules.

Nitong weekend, sinabi ng Department of Migrant Workers na 21 sa 22 Pilipinong tripulante ng barkong inatake ng Houthi rebels sa Red Sea ang nasagip. Dumating sila sa Pilipinas nitong Lunes.

Kinondena naman ng Pilipinas, sa pamamagitan ng DFA, ang pag-atake at nanawagan sa mga miyembro ng United Nations “to protect the human rights of seafarers.” RNT/SA