Home OPINION PART-TIME DESIGNATED SAFETY OFFICER, PWEDE KAYA?

PART-TIME DESIGNATED SAFETY OFFICER, PWEDE KAYA?

MAAARI nga bang mag-designate ng part-time safety officer ang isang kompanya para lamang makasunod sa kasalukuyang pinaiiral na occupational safety and health standards?  Uubra kaya ito?

Magkwentuhan muna tayo. Sa ilalim ng batas patungkol sa safety and health na ipinatutupad ng labor department, may tatlong kategorya ang bawat establishment o kompanya. Ito ang low, medium at high risk establishment. Paano nga ba malalaman kung saang kategorya nabibilang ang isang kompanya?

Ibinabase ito sa numero ng empleyado, likelihood at degree of harm mula sa mga hazard ng bawat aktibidades at initial risk level na nakapaloob sa dokumentadong hazard, identification, risk assessment and control (HIRAC).

Obviously, hindi gaanong ka-delikado ang mga low risk establishment tulad ng mga micro, small and medium enterprises o MSME’s. Mas mapanganib naman ang nasa medium category lalo na kung walang pananggalang o control measures na inilapat ang management para dito. Pinakadelikado ang high risk establishment kaya may dagdag na listahan ang pamahalaan ng mga workplace na awtomatikong high risk dahil maliban sa mga empleyado, maaari ding maperhuwisyo ang komunidad.

Ginawa ang kategoryang ito para mas maging malinaw at praktikal ang mga solusyong pabor sa interes ng mga manggagawa, negosyante at estado at kabilang na nga rito ang pagtatalaga ng safety officer.

Sa dami ng responsibilidad ng isang safety officer, hindi uubrang gawin itong part-time role. Wala ring nabanggit sa bagong batas na pupwede ito. Alam ba ninyo kung bakit? Kasi hindi nagpa-part-time ang mga hazard at panganib. Mahirap makita ang mga senyales kung kailan mangyayari ang aksidente at kung kailan maaaring tamaan ng sakit ang isang empleyado. Pero dahil kumuha ka ng isang competent at full-time na safety officer, madali niyang makikita at makapagbibigay siya ng rekomendasyon  para sa mga “foreseeable risk.”

Tanging safety officer ang makapagtuturo sa establishment kung papaano gawin ang hazard observation at identification. Siya rin ang magiging gabay kung papaano isasakatuparan ang lahat ng nakapaloob sa safety and health program at iba pang rules mula sa labor department. Bukod sa pagiging adviser ng employer, siya ang dapat na kasangga ng production department para makontrol ang hazards at maituro nang tama ang ligtas na trabaho. Ibig sabihin, mas malaki ang tyansang makalusot ang aksidente at sakit kung gagawin siyang part-time.

May minimum requirements ang labor department kung ilan at ano ang ranggo ng safety officer na itatalaga sa bawat establishment. Hanapin at basahin ang mga rule sa <www.dole.gov.ph>.