Home NATIONWIDE PBBM, DA execs hinamon: ‘Aging’ NFA rice tikman sa harap ng publiko

PBBM, DA execs hinamon: ‘Aging’ NFA rice tikman sa harap ng publiko

MANILA, Philippines- Hinamon ng farmers’ group na Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) nitong Huwebes sina Pangulong Marcos Jr., Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at iba pang opisyal ng DA na tikman sa harap ng publiko ang “aging” NFA rice na balak ibenta ng gobyerno.

Inaprubahan ng National Food Authority (NFA) Council, sa pamumuno ni Laurel, ang planong ibenta ang aging NFA rice buffer stocks sa presyong P29 kada kilo. 

Tinauriang “Bigas 29,” magbibigay ang programa ng aboy-kayang bigas sa mga kabilang sa vulnerable sectors — persons with disabilities (PWD), solo parents, senior citizens, at indigenous people (IP).

“Ang tanong namin kay Pangulong Marcos Jr., DA Secretary Tiu-Laurel at iba pang opisyal ng gobyerno, ito bang Bigas 29 ay handa nilang kainin at ipakain sa kanilang mga pamilya?” pahayag ni KMP chairperson Danilo Ramos.

Naunang sinabi ng DA na ang bigas na ibebenta nila sa programa ay paluma na subalit “good” pa rin.

Sa pagbebenta ng aging rice sa vulnerable sectors, sinabi ni Ramos na pinipili ng pamahalaan na hamakin ang mahihirap na Pilipino sa halip na resolbahin ang mataas na presyo ng bigas at iba pang bilihin.

“As a largely agricultural and rice-eating country, Filipinos deserve quality and affordable rice which our farmers can produce sufficiently if only the government grants substantial subsidy and support to the local rice production,” dagdag ni Ramos.

Base sa KMP, ang Bigas 29 ng DA ay “nothing more than a pathetic attempt” upang ibaba ang mataas na presyo ng bigas sa bansa.

“Ganito rin ang ginawa dati sa bukbok rice na gusto ng DA na ibenta at ipakain sa masa. Lumang bigas na nakaimbak sa mga NFA warehouse ang ibebenta sa mahihirap sa P29 kada kilo, samantalang naisiwalat na ang ginawa ng NFA na nagbenta ng P25 kada kilo ng bigas sa mga traders,” wika ni Ramos. RNT/SA