Home NATIONWIDE PNP personnel makatatanggap ng health insurance simula Hulyo

PNP personnel makatatanggap ng health insurance simula Hulyo

MANILA, Philippines- Magkakaroon ng karagdagang proteksyon ang Philippine National Police (PNP) sa nakatakdang pagtanggap ng mga ito ng health insurance cards simula sa susunod na buwan.

Sinabi ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil na kada health maintenance organization (HMO) card ay mayroong P40,000 na maaaring magamit ng mga pulis partikular tuwing may medical emergencies.

“Next month we will be giving yung cards, yung HMO cards, para sa bawat pulis although worth na PHP40,000 yan, maliit lang po but we will make sure na makakatulong sa inyo,” pahayag ni Marbil sa paglulunsad ng PNP Family Day sa kanilang Camp Crame headquarters noong Sabado.

Ani Marbil, makatutulong ang HMO cards partikular sa mga lalawigan kung saan walang ospital ang PNP.

“Usually mga private hospitals so instead we give them new cards so they can go anywhere basta accredited yung establishment,” wika ng opisyal.

Nangako rin si Marbil na bibigyan ng legal assistance ang mga pulis na nahaharap sa counter charges, isa sa mga hamong kinahaharap nila sa pagsasagawa ng kanilang tungkulin.

Nitong Linggo, hinikayat ni Marbil lahat ng mga pulis na pairalin ang batas at panatilihin ang pinakamataas na pamantayan ng integridad, partikular sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Iginiit din niyang sinumang pulis na sangkot sa pagprotekta sa illegal POGO operations ay mahaharap sa kaukulang disciplinary actions.

“Integrity and accountability are the cornerstones of our public service. We remain committed to ensuring that our officers uphold these values,” giit ni Marbil.

Pinaigting ng PNP ang kampanya nito laban sa illegal POGOs, na nagresulta sa ilang matagumpay na operasyon sa pakikipagtulungan sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at sa Anti-Cybercrime Group (ACG). RNT/SA