Home METRO Pulis timbog sa Parañaque buy-bust, higit P130K shabu nakumpiska

Pulis timbog sa Parañaque buy-bust, higit P130K shabu nakumpiska

MANILA, Philippines – Arestado ng mga tauhan ng Parañaque City police ang isang AWOL na pulis sa ikinasang buy-bust operation nitong nakaraang Linggo, Hunyo 16.

Base sa report na natanggap ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Major General Melencio Nartatez ay kinilala ang nadakip na suspect na si Police Corporal Mcneil Bagunu, nakatalaga sa National Police Training Institute (NPTI).

Sa isinagawang buy-bust operation ay narekober sa posesyon ni Bagunu ang 20 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P136,000; isang kalibre .45 pistola na may magazine na kargado ng mga bala.

Sinabi ni Nartatez na sa dati pang nahuling mga suspects ay lumutang ang pangalan ni Bagunu sa mga transakyon ng ilegal na droga kung saan kanya itong pinadrinuhan at inabugaduhan.

Ayon pa kay Nartatez, ang AWOL na kasong administratibo na kinahaharap ni Bagunu ay mayroon nang desisyon na pagsibak sa serbisyo ang isang hearing summary officer kung kaya’t pinaghahanap na rin ito ng kanyang mga kasamahan.

Samantala, sa pagkakadakip kay Bagunu ay nagpositibo ito sa ilegal na droga na mariin namang itinanggi ng suspect.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of Firearm) si Bagunu sa Parañaque City Prosecutor’s Office. (James I. Catapusan)