Home OPINION SA PILIPINAS MAY HUSTISYA

SA PILIPINAS MAY HUSTISYA

MULING pinatunayan na may hustisya sa giyera sa droga ni ex-President Digong Duterte.

Nitong Lunes, hinatulang nagkasala ng pagpatay ang apat na pulis na sina dating Master Sgt. Virgilio Cervantes at Corporals Arnel de Guzman, Johnston Alacre and Artemio Saguros Jr., pawang mga miyembro ng Caloocan City Police.

Ibinaba ng Office of the Ombudsman ang kasong murder sa homicide laban kina Cervantes.

Napatunayang pinagbabaril nila hanggang mamatay ang mag-amang sina Luis Bonifacio at anak nitong si Gabriel sa loob ng kanilang bahay sa Bagong Barrio, Caloocan noong Setyembre 15, 2016.

Si Judge Ma. Rowena Violago Alejandria, ng Caloocan City Regional Trial Court Branch 121, ang nagbaba ng desisyon at nag-uutos na ring dapat magbayad ng danyos perwisyo na P400,000 bawat isa para sa pamilya Bonifacio.

Hindi pinaniwalaan ng hukuman ang depensa ng mga pulis na ipinagtanggol lang ang kanilang mga sarili sa pagbaril umano sa kanila ng mag-ama.

Pang-apat nang kasong matagumpay para sa katarungan sa giyera sa droga ang kaso nina Bonifacio.

Kauna-unahang may napatunayang nagkasala sa hanay ng mga pulis sa kaso ni Kian delos Santos na napatay malapit sa kanilang bahay sa Brgy. 160, Caloocan City noong gabi ng Agosto 16, 2017.

Napatunyang nagkasala ng murder ang mga pulis-Caloocan na sina Arnel Oares, Jeremiah Pereda and Jerwin Cruz at hinatulan silang mabilanggo ng 20-40 taon, bukod sa pagbibigay ng danyos perwisyo sa pamila Delos Santos.

Ibinaba ang hatol ni Judge Rodolfo Azucena, Caloocan Regional Trial Court Branch 125, November 29, 2018 makaraan lang ng isang taon matapos maganap ang krimen.

Mismong si ex-Pres. Duterte ang nagsabing maaaring sampahan ang mga pulis ng kaso at makulong makaraan nitong mapanood ang CCTV ukol sa pangyayari noong Agosto 21, 2017.

Bagama’t mabangis ang giyera sa droga, kabilin-bilinan noon ni Duterte sa mga pulis at iba pa na pupwede lang gamitin ang kanilang mga armas kung nagdedelikado na ang kanilang buhay mula sa mga sangkot sa droga.

ICC AT BUNGA NG GIYERA

Masasabing hindi talaga pupwedeng makialam ang International Criminal Court sa mga patayang may kaugnayan sa giyera sa droga na lumitaw noong panahon ni Duterte.

Ito’y dahil gumagana ang mga hukuman at hustisya sa bansa sa kabila ng pagpipilit ng mga kritiko ni Duterte na walang matatamong katarungan ang mga biktima.

Si Duterte nga mismo ay kitang-kita ang hindi basta pagpabor sa mga pulis na basta na lang pumatay para makaiskor, gaya ng nabanggit nating kaso ni Delos Santos.

Bukod sa gumaganang katarungan, walang katwirang pakikialam na sa Pilipinas ang pagpipilit ng ICC na magsagawa ng imbestigasyon sa bansa at litisin sa ibang bansa ang pinaniniwalaan nilang may kagagawan sa mga pagpatay.

Ayon naman sa ating Uzi, naging maganda umano ang kinalabasan ng giyera sa droga dahil sa napakalaking nabawas na krimen sa loob at labas ng tahanan, sa kalsada, sa iskul at iba pa gaya ng rape, holdapan, patayan, korapsyon at iba pa at nararamdaman hanggang sa mga araw na ito ang magandang bunga nito.