Home NATIONWIDE Security training ng NAIA kinuwestiyon sa Senado

Security training ng NAIA kinuwestiyon sa Senado

(c) Cesar Morales

MANILA, Philippines- Bukod sa matinding pagbatikos, kinuwestiyon ng isang senador ang security training ng tauhan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) laban sa kakaibang insidente partikular ang pagtugon sa “nagwawalang” pasahero.

Kinuwestiyon ni Senador Raffy Tulfo ang security training ng tauhan ng paliparan sa pagtugon sa mga espesyal na sitwasyon kasund ng paghuhubad ng isang Vietnamese woman na naglalakad-lakad sa loob ng NAIA Terminal 3

Kumalat ang video sa social media kaya’t napagtanto umano ni Tulfo na hindi handa ang airport security sa ganitong sitwasyon.

“Kapansin-pansin sa lumabas na video na tila nagulat at hindi sigurado ang airport security kung ano ang gagawin sa sitwasyong katulad nito – hindi napigilan ng security ang babae na patuloy na maglakad patungo sa boarding gate na nagdulot ng komosyon sa airport,” ayon kay Tulfo, chairman ng Senate public services committee.

Aniya, kailangang malaman ang kasagutan dito sa pamamagitan ng isang imbestigasyon ng Senado.

“Mayroon bang sapat na training ang airport security personnel kung paano ang gagawin sa mga pangyayaring katulad nito?” giit niya.

“Maghahain ako ng isang Senate resolution para paimbestigahan ang pangyayaring ito, partikular na ang pag-handle ng security protocol sa airport facilities,” dagdag ng senador.

Natuklasan ng Senado na hindi pinayagang makaalis ang dayuhan patungong Ho Chi Minh City noong Hunyo 8, 2024.

“…Na-offload ata. Then dumiretso sa toilet, public toilet sa departure, sa CR ng babae. Then, lumabas siya roon, naghubad. Hindi namin alam kung ano’ng dahilan,” ayon kay APO1 Michael Ronald de Guzman, NAIA Terminal 3 airport police.

Kaagad tinulungan ng airport personnel ang Vietnamese na babae, binigyan ng damit at wheelchair saka kinalma ng medical team.

Pinayagan ang dayuhan na makabalik sa Vietnam kinabukasan.

Ayon sa senador, kailangang matukoy ang papel at tungkulin ng Philippine National Police Aviation Security Group, Manila International Airport Authority, Office for Transportation Security, blue guards at ibang concerned agencies upang maiwasan ang “blame game.” Ernie Reyes