Home OPINION SIRA-SIRANG PANINIRA KAY INDAY SARA

SIRA-SIRANG PANINIRA KAY INDAY SARA

KUNG manira ang ilang kritiko kay Vice President Inday Sara ay gayun na lang kahit maling-mali ang mga ito.

Akalain ba nating ibinabato kay Inday Sara ang pagiging kulelat ng mga estudyanteng Pinoy na 15 anyos sa mga pagtatasa ng Programme for International Student Assessment o PISA noong 2022!

Ayon sa PISA, kulelat sa mga kabataan sa 81 bansa ang mga kabataang Pinoy sa math, reading at science noong 2022 at maging sa 64 bansa sa creative thinking na isinabay sa pagtatasa noong Marso-Mayo 2022.

Si Inday Sara naman, in-appoint siya bilang Secretary of Education ni Manong Bongbong Marcos noong Hunyo 30, 2022.

Napakalinaw na wala pa sa DepEd si Inday Sara noong isinagawa ang pagtatasa at nasa ilalim pa ito ng batikang edukador na si ex-Sec. Leonor Briones simula noong 2018.

Nagbitiw naman si Inday Sara noong Hunyo 19, 2024 at inaasahang magkakaroon na ng kapalit nito bago mag-Hulyo 19.

Tira ng mga kritiko, kesyo hindi raw titser si Inday Sara kaya nagkandahetot-hetot at kulelat ang edukasyon ng mga kabataan.

Sus ginoo, mas malabo pa sa putik ang paninira sa harap ng buong katotohanan na walang kinalaman si Inday Sara sa pagiging kulelat ng mga bata.

Ang dapat gawin nila, sisihin o siraan nila ang kanilang sarili dahil ilang dekada silang namayagpag sa gobyerno at sa DepEd simula noong 1986 People Power hanggang kay ex-President Noynoy Aquino ngunit puro kakulelatan ang sinapit ng mga bata.

Ang mabuti pa, magandang lingunin nila ang panahon ni ex-Pres. Digong Duterte na tatay ni Inday Sara dahil siya lang ang Pangulo ng Pinas na nagsulong, kasama ang Kongreso at mamamayan, ng batas para sa libreng kolehiyo na hindi nagawa ng mga kritiko sa buong panahon nila ng pamumulitika simula noong 1986.

Kahit papaano, may magandang kinabukasan pa rin ang mga kulelat na bata sa paglitaw ng mga Duterte sa gobyerno.