Home NATIONWIDE Solons pumalag sa route rationalization plan ng LTFRB: ‘Puro pangako’

Solons pumalag sa route rationalization plan ng LTFRB: ‘Puro pangako’

MANILA, Philippines- Pinalagan ng ilang senador ang planong route rationalization ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board matapos matuklasan na ibinigay ito sa local government units at hindi pa naipatutupad pitong taon na ang lumipas.

Sa magkakahiwalay na pahayag, unang kinuwestiyon ni Senador Raffy Tulfo ang debolusyon ng route rationalization plans for public utility vehicles (PUVs) sa local government units (LGUs) sa halip na pangunahan ng pambansang pamahalaan.

Binatikos din ni Senador Grace Poe ang “puro pangako” ng ahensya na maipatupad ang makatarungan at makataong route rationalization sa lalong madaling panahon na umabot na sa mahigit pitong taon.

Sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on public services, ipinunto ni Tulfo na maaaring pagsamantalahan ang route rationalization ng LGUs kaysa maipatupad nang maayos.

Aniya, nakatanggap siya ng liham mula sa ilang PUV drivers na nagsasabing ginawang negosyo ng ilang opisyal ng LGU ang route planning kaysa pakinabangan ng drayber.

“Marami akong bad experiences diyan, ‘yung mga taga-LGU magnenegosyo na sila. Kukunin nila ‘yung magagandang ruta o sa mga kakilala ‘yung magagandang ruta – lugi, hindi dapat LGU,” ayon kay Tulfo.

“Pwede siguro kokonsulta lang, pero in the end, kailangan pag usapan ‘yan,”dagdag ng senador.

Bilang tugon, sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III na ibinigay sa LGUs ang route planning dahil mas nalalaman o kapa na nila ang local routes kaysa sa ahensya.

“However, the final approval is still up to us,” aniya.

Kasabay nito, muling binatikos ni Poe ang plano at pangako ng LTFRB dahil hindi pa nakakamit ang PUV modernization sa loob ng pitong taon simula nang ipatupad ang programa.

Aniya sa pagdinig, kabilang sa ilang pangamba ng sektor ng transportasyon ang mataas na halaga ng modernong jeepney, kawalan ng route plans at hindi sapat na safety nets na nagbanta sa kabuhayan ng maraming drayber at pahirap sa commuters.

“Throughout the seven years, this committee has never stopped asking the Department of Transportation (DOTr) to revisit the program while we begged for cooperation from the drivers-operators and commuters,” ayon kay Poe na tumutukoy sa Senate committee on public services na kanyang pinamumunuan.

“Noon ngang mga nakaraang pagdinig natin sa isyu at sa budget ng programa, nangako muli ang DOTr na rerebisahin ang programa. Unfortunately, we have yet to see it make good on its commitment. Kumbaga, tila ba ang slogan ng PUV Modernization ay, ‘Pinangakuan na kayo, gusto nyo pang tuparin’,” dagdag niya sa pagdinig nitong Biyernes.

Naunang naghain si Poe Senate Bill No. 105 na nananawagan sa “just and humane” PUV Modernization Program (PUVMP), kabilang ang transitory assistance at services na ibibigay sa operators, drivers at iba pang stakeholders.

Inihayag ng LTFRB na simula nitong Mayo 1, 2024, hindi papayagan ang unconsolidated jeepneys na pumasada sa kanilang ruta at huhulihin.

Kinuwestiyon din ni Poe ang ahensya kung ano ang kanilang plano sa 36,217 PUVs na hindi lumahok sa mga kooperatiba.

“This represents thousands of drivers and operators that are prevented from engaging in their primary source of livelihood. Nakalulungkot isipin na sa ika-pitong taon ng implementasyon ng PUVMP ay tila wala pa ring solido na plano ang DOTr para sa kanila,” wika ni Poe.

Sinabi ng senador na nangako ang DOTr na aaprubahan ang 50% ng Local Public Transport Route Plans (LPTRP) sa June 30, 2024. Pero, ayon kay Poe, umabot lamang sa 11 porsyento o 174 LPTROs ang naaprubahan.

“Labing-siyam (19) pa lang ang nadagdag or a mere 1.5% increase from the 9.5% or 155 approved LPTRPs in 2023. Ano’ng klaseng road transport modernization ang hindi tapos ang ruta?” tanong niya.

Pinuna pa ni Poe ang DOTr sa mahinang budget utilization rate ng programa na umabot lamang sa 53% ng P7.5 billion budget mula 2018 hanggang 2024.

“This is such a disservice to the drivers and operators who have been pounding on our doors to ask for assistance because they could not afford the cost of modernization. Ni isang singkong duling ay hindi pa ata nagagastos sa P200 million na inilaan natin para sa Tsuper Iskolar at EnTSUPERneur noong 2023,” giit ng senador.

“Pitong taon, anim na pagdinig, anim na extensions, at isang pandemya na ang nagdaan simula noong inilunsad ang PUVMP. Nagbago na rin ang pamunuan hindi lamang ng komiteng ito ngunit pati na rin ng programa. Pero bakit tila hindi pa rin kayang ayusin ng DOTr ang mga gusot sa implementasyon?” dagdag niya. Ernie Reyes