Home OPINION SUGAL NG SEAMEN

SUGAL NG SEAMEN

MERON tayong patakaran para sa mga Filipinong seaman.

Ayon sa atas ng Department of Migrant Workers, hindi pupwedeng maglayag ang mga seaman sa “High-Risk Areas” at “War-like Zones”, kasama na ang Red Sea at Gulf of Aden.

Naaayon ito sa mga kasunduan ng International Transport Workers’ Federation at International Bargaining Forum.

Nabuo ang nasabing bagong kasunduan at patakaran makaraang mahagip ng digmaang Houthi at alyadong United States na nagbabantay sa Red Sea at Gulf of Aden ang barkong Galaxy Leader na may 17 tripulanteng Pinoy.

At nakadaong ang nasabing barko hanggang ngayon mula pa noong Nobyembre 2023 sa Yemen.

MAHIRAP SUNDIN

Kung iisipin, mga Bro, madaling sundin ang nasabing patakaran.

Pero mahirap din, lalo’t manganganib naman ang empleyo ng ating seamen.

Malamang na iniisip ng ating seamen na mas gusto nilang hindi papailalim sa nasabing kasunduan at patakaran, lalo na kung iisipin na marami namang naglalayag sa high risk areas at war-like zones.

At bibihira lang ang natatamaan ng mga missile at drone ng mga Houthi.

May lumubog nang barko at may nasunog na rin gaya ng True Confidence na kinamatayan ng dalawang Pinoy seaman noong Nobyembre 2023.

Pero, gaya nga ng karaniwang sinasabi ng mga seaman, sapalaran ang pagbibiyahe.

Kung sakaling ma-bihag naman sila gaya ng nangyari sa Galaxy Leader, hindi naman sila pinahihirapan  kundi itinuturing na mga bilanggo.

At sa kalaunan, pinalalaya rin.

Ayon sa ating Uzi, marami ang hindi takot, bagaman may takot at kaba, sa pagbibiyahe sa mga delikadong lugar.

At inaamin nilang may higit na alok sa kanila bilang dagdag sa kanilang mga kontrata sa sahod at benepisyo sa kanilang pagbiyahe.

Ito ba ang dahilan na oks lang sa mga 23 Pinoy seaman na sumakay at bumiyahe sa Red Sea sakay ng MT Wind, isang Panamanian-flagged and Greek-owned oil tanker ilang araw lang ang nakararaan?

BASTA SUPORTAHAN

Ano ba talaga ang pinakamainam na posisyon para sa mga seaman?

Mula sa nakakausap natin sa kanilang hanay, ang kamatayan at kapahamakan umano ay dumarating nang hindi inaasahan at kahit saan.

Kahit saan ka matagpuan, kahit sa loob ng bahay, naririyan lang ang mga nasabing kapalaran.

Sabi nila, pinakamaganda na habang buhay, tayo’y lumalaban at nakikipagsapalaran.

Kaya naman, ‘yang mga panganib at kamatayan sa karagatan, dapat labanan at harapin.

Lalo’t may mga pinaglalaanan gaya ng mga mahal nila sa buhay.

Kaya naman, bagama’t maganda umano ang patakaran na bawal silang maglayag, may higit na dapat umanong gawin.

Walang iba kundi ang buong suporta ng pamahalaan sa mga seman, anoman ang kanilang kondisyon o sasapitin sa pagtatrabaho.

Kapag sinunod umano nila ang bawal na pagbiyahe, pinagbabawalan na rin silang maghanapbuhay.

At hindi lang ang kanilang mga pamilya ang mawalan kundi mismong pamahalaan na rin.

Parehong pinakikinabangan ng mga pamilya at pamahalaan ang kanilang mga padala.

Noong 2022, mahigit P375 bilyon ang padala ng mga seaman na pinakinabangan ng lahat.