Home NATIONWIDE Tolentino: Flights sa Tawi-Tawi dagdagan para mapalakas ang turismo

Tolentino: Flights sa Tawi-Tawi dagdagan para mapalakas ang turismo

MANILA, Philippines- Nakikita ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang malaking potensyal ng turismo sa Tawi-Tawi kaya nangako siyang susuportahan ang mga pagsisikap ng lokal na pamahalaan nito na hikayatin ang mga turista na dayuhin at tingnan ang mga maiaalok ng probinsya.

“We need to improve and increase the number of flights to Tawi-Tawi because many people are curious, and would like to visit your province,” sabi ni Tolentino kay Governor Yshmael Sali sa pang-umagang programa sa radyo ng senador na ‘Usapang Tol’.

Kasabay nito, nanawagan ang senador sa publiko na isama ang Tawi-Tawi bilang kanilang susunod na vacation destination. Ipinagmalaki at pinuri ni Tolentino ang magagandang white sand beach na inilarawan niyang maihahalintulad sa Boracay Island.

“Kahanga-hanga ang turismo doon. Napakaganda ng Tawi-Tawi. Kapag nakita mo ang mga dalampasigan doon, mas pino pa ang buhangin kaysa sa Boracay. Nakikita ko ang malaking potensyal doon,” dagdag ng senador na may malawak na karanasan sa pagbuo ng lokal na turismo bilang dating alkalde ng Tagaytay City.

Sa panayam, binigyang-diin ni Gobernador Sali ang mayamang pamanang kultura ng kanyang lalawigan, masaganang yamang dagat, at magagandang lugar.

Sinabi niya na ang bawat isa sa labing-isang munisipalidad ng Tawi-Tawi ay nag-aalok ng natatanging karanasan para sa mga bisita.

Kilala bilang ‘Seaweeds Capital of the Philippines,’ ang Tawi-Tawi ay tahanan din ng Sheikh Karimul Makhdum Mosque na matatagpuan sa Brgy. Tubig Indangan, Simunul, Tawi-Tawi – ang pinakamatandang mosque sa Philippines at Southeast Asia.

Higit pa rito, tiniyak ni Sali sa publiko na ang Tawi-Tawi ay isang ligtas at mapayapang destinasyon. Binanggit niya ang kamakailang 50% na pagtaas ng bilang ng mga turista na pumupunta sa lalawigan.

Si Tolentino ay nakatakdang bumisita sa Tawi-Tawi at magtatagal din nang isang linggo sa Zamboanga City para pangunahan ang pagbubukas ng Mindanao qualifying leg ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Games mula Hunyo 23-29. RNT