Home HOME BANNER STORY Visa ban sa Pinoy domestic workers binawi na ng Kuwait

Visa ban sa Pinoy domestic workers binawi na ng Kuwait

MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Kuwait na aalisin na nito ang visa ban sa mga domestic worker mula sa Pilipinas matapos ang isang taong suspensiyon na dulot ng alitan sa mga karapatan ng mga employer at empleyado.

Base sa KUNA news agency, nagkasundo ang interior ministry ng Kuwait at ang gobyerno ng Pilipinas na “ipagpatuloy ang recruitment ng mga domestic worker” pagkatapos ng “breakthrough”.

“The countries agreed to form a joint committee pertinent to domestic labour affairs,” saad sa pahayag.

Sinuspinde ng Kuwait ang lahat ng mga bagong visa para sa mga mamamayan ng Pilipinas noong Mayo noong nakaraang taon matapos masira ang relasyon sa pagpatay sa domestic worker na si Jullebee Ranara.

Ang kanyang sunog na bangkay ay natagpuan sa Kuwaiti desert noong Enero 2023, na nag-udyok sa Maynila na ihinto ang pagpapadala ng mga first-time na manggagawa sa Kuwait.

Nagdulot ito ng pinakabago sa serye ng mga away sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait, na tahanan ng malaking populasyon ng domestic worker.

Noong 2020, muling ipinatupad ng Pilipinas ang pagbabawal sa mga mamamayan nito na magtrabaho sa Kuwait matapos umanong pinatay ng kanyang amo ang isang Pinay.

Ang insidenteng iyon ay umalingawngaw sa 2018 row sa pagitan ng dalawang bansa na nagsimula sa pagkadiskubre ng mga labi ng pinaslang na Filipina maid sa freezer ng kanyang amo. RNT