Home NATIONWIDE Wage hike sa NCR dedesisyunan ng DOLE bago mag-July 16

Wage hike sa NCR dedesisyunan ng DOLE bago mag-July 16

MANILA, Philippines – Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na posibleng desisyunan ng Tripartite Board ang panukalang wage Hike sa National Capital Region (NCR) bago ang Hulyo 16.

Sa Kapihan sa Manila Bay forum, sinabi ng kalihim na mayroon pang isang buwan para maglabas ng desisyon matapos ang kanilang pagdinig.

Aniya, nagsimula ang proseso at deliberasyon noong Mayo at bukas, Hunyo 20 ay may public hearing at pagkatapos nito ay magkakaroon ng talakayan ang mga miyembro ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board.

Ayon kay Laguesma, inaasahan na pagkatapos ng kanilang deliberasyon ay magkakaroon ng nararapat na desisyon at positibong resulta sa ginawang hakbangin ng board.

“Kung ano man ang halaga ng kanilang adjudgement ay hindi ko po sila pangungunahan dahil yan naman po ay pinag-uusapan naman ng malaya at masusi ng mga miyembro ng Tripartite Wages and Productivity board,” pahayag pa ni Laguesma.

Ayon kay Laguesma, ang kasalukuyang daily minimum wage sa NCR ay P610 at may mga panukalang itaas ito ng P800.

Gayunman, sinabi ng kalihim na may iba pang paraan para itaas ang sweldo ng mga manggagawa tulad ng collective bargaining sa pagitan ng mga labor union at mga kumpanya. Jocelyn Tabangcura-Domenden