Home NATIONWIDE ₱10M pabuya para matunton si Quiboloy, ‘di iligal – DOJ

₱10M pabuya para matunton si Quiboloy, ‘di iligal – DOJ

MANILA, Philippines – Hindi ipinagbabawal sa batas ang alok na pabuya ng pamahalaan sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy.

Si Quiboloy ay nahaharap sa mga kasong trafficking, child at sexual abuse na nakasampa sa Davao City at Pasig RTC.

Ayon kay Department of Justice (DOJ) Undersecretary Nicholas Ty, hindi iligal ang alok na ₱10 milyon ng ilang pribadong indibidwal para sa sinuman na makapagtuturo kay Quiboloy upang maaresto.

Nilinaw ni Ty na pinapayagan ng ilang batas sa bansa ang pagbibigay ng pabuya gaya ng National Internal Revenue Code, Customs Modernization and Tariff Act, Comprehensive Dangerous Drugs Act at Anti-Terrorism Act.

Sinabi ni Ty na ang ₱10 milyon ay isang pabuya at hindi isang bounty.

“A bounty is for people who should be arrested because they are convicts of a crime or they have outstanding warrant of arrest,” ani Ty.

Iginiit ni Ty na ligal ang pag-alok ng pabuya dahil kasama ito sa trabaho nila sa justice sector. Dapat aniya nila maipatupad ang mga criminal laws at hindi ito maipapatupad kung ang mga akusado ay hindi matatagpuan.

Nitong Hulyo inanunsyo ni Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos na nagbigay ng ₱10 milyong pabuya ang ilang indibidwal para sa makapagbibigay ng impormasyon tungkol kay Quiboloy.

Iginiit ng abugado ni Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon na hindi dapat tinangap ni Abalos ang pabuya dahil labag umano ito sa Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Gayunman, kinontra ito ni Ty at sinabing hindi suhol dahil maliwanag sa batas na ito ay magiging suhol kung inalok ito para sa pabor. Ginagawa lamang aniya ni Abalos ang kanyang tungkulin na magpatupad ang batas. TERESA TAVARES