DAVAO DEL NORTE- Umabot sa halagang ₱13.8 milyong smuggled na sigarilyo ang nasamsam ng mga tauhan ng Philippine Navy (PN) matapos maharang ang isang “jungkung” vessel o fishing boat nitong Linggo sa Island Garden City ng Samal.
Ayon kay Commodore Carlos Sabarre, commander ng Naval Forces Eastern Mindanao, naharang ng mga tauhan ng Naval Task Force 71, Naval Special Operations Unit 7, at Bureau of Customs Davao Region (BOC-11) ang FB ALYASRA-2 na may sakay na 10 tripulante.
Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad nadiskubre na ang kanilang mga kargang 468 master cases ng Canon brand smuggled cigarettes na may street value na P13,806,000 ay walang kaukulang dokumento.
Sa inisyal na ulat ng Naval Forces Eastern Mindanao, ang FB ALYASRA-2 ay mula sa Sulu at planong magdaong sa Davao City.
Pansamantalang nasa kustodiya ng Naval Station Felix Apolinario sa Panacan, Davao City ang FB ALYASRA-2 habang ang lahat ng crew ay dinala sa Camp Panacan Hospital para sa medical check-up bago i-turn-over sa BOC-11 para sa pagsasampa ng kaukulang kaso. Mary Anne Sapico