Home METRO ₱207K shabu nasabat, tulak tiklo sa Taguig buy-bust

₱207K shabu nasabat, tulak tiklo sa Taguig buy-bust

MANILA, Philippines – Nalambat ng mga miyembro ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Taguig City police ang isang tulak ng illegal na droga sa ikinasang anti-drug operation Huwebes ng gabi, Agosto 22.

Sa report ng Taguig City police na natanggap ng Southern Police District (SPD) ay nakilala ang nadakip na suspect na si alyas Alexander, 48.

Batay sa isinagawang imbestigasyon, inaresto ang suspect dakong alas 9:30 ng gabi sa Barangay Fort Bonifacio, Taguig City.

Sa naturang operasyon ay narekober sa posesyon ng suspect ang siyam na transparent plastic sachets na naglalaman ng 30.46 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱207,128.

Bukod sa ilegal na droga ay narekober din ang ₱500 na ginamit sa operasyon bilang buy-bust money na nakapaibabaw sa anim na tig-₱1000 boodle money at isang itim na coin purse.

Ang nakumpiskang ebidensya ay dinala sa SPD Forensic Unit para sumailalim sa laboratory examination.

Kasalukuyang nakapiit sa Taguig City police custodial facility ang suspect na nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A. 9165 sa Taguig City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan