CONSOLACION, Cebu- Balik-kulungan ang isang high value target matapos makuhanan ng ₱3.7 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad nitong Linggo sa bayang ito.
Kinilala ni Leia Alcantara, information officer ng Philippine Drug Enforcement Agency, Central Visayas (PDEA-7), ang nadakip na suspek na si Philip Llaguno, dati na ring nakulong sa kaparehong kaso taong 2009.
Nakuha sa suspek ang 10 pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na 550 gramo at tinatayang may street value na ₱3.7 milyon.
Sinabi ni Alcantara, isinailalim sa monitoring ang suspek matapos makatanggap ng report na bumalik ito sa dating iligal na aktibidad at nakakapagbenta ito ng dalawang kilo ng shabu kada linggo.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (Republic Act No. 9165) ang suspek. Mary Anne Sapico