Itinakda ng Land Transportation Office (LTO) ang isang maximum na bayad na ₱300 para sa medical examination na kinakailangan sa pag-aapply ng student permit at driver’s license matapos ang kaliwa’t-kanang reklamo bunsod sa mahal na singil dito.
Sa ulat, umaabot dati sa P500 hanggang P700 ang singil sa medical examination para sa aplikasyon ng driver’s license kung saan ginagawa sa mga LTO-accredited na medical clinics at health facilities.
Ang bayad na ₱300 ay ipapataw sa bawat transaksyon ngunit maaaring kolektahin ng mga klinika ang mga bayad na mas mababa sa itinakdang halaga ng LTO, anang LTO.
Ang mga klinika at health facilities na lalabag sa polisiya ay isususpindi sa loob ng 90 araw at magbabayad ng multa na ₱10,000.
Ang pangalawang paglabag ay parurusahan ng 180-day suspension at multang ₱15,000, samantalang ang ikatlong paglabag ay magreresulta sa permanenteng diskwalipikasyon.
Sinabi ng LTO na inilabas nila ang isang bagong memorandum circular dahil ang bersyon ng 2018 ay nag-uutos lamang sa ahensya na regulahin at bantayan ang mga bayad sa medical examination.
Ang bagong polisiya ay magiging epektibo 15 araw matapos ito mai-publish sa isang pambansang pahayagan o matapos mag-file ng sertipikadong kopya sa Office of the National Registry sa University of the Philippines Law Center. RNT