Arestado ang dalawang drug pushers sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit ng Southern Police District (DDEU-SPD) Huwebes ng gabi, Disyembre 19.
Kinilala ni SPD director P/Brig. Gen. Bernard Yang ang dalawang arestadong suspects na sina alyas Jong, high value individual (HVI), 30, at isang alyas Allen, street level individual (SLI), 22, kapwa residente ng Dasmariñas, Cavite.
Base sa report na isinumite kay Yang, naganap ang pagdakip sa mga drug suspects dakong alas 8:10 ng gabi sa kahabaan ng Sta. Lucia Street, Fatima Subdivision, Barangay Zapote, Las Piñas City.
Kabilang sa pagsasagawa ng operasyon ay ang mga operatiba ng PDEA-SDO, DID-SPD, DSOU-SPD, at DMFB-SPD na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspects na nakuhanan ng 51 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱348,800, isang cellular phone at ang ₱1,000 buy-bust money.
Ang mga narekober na ebidensya ay itinurnover sa SPD Forensic Unit para sumailalim sa chemical analysis habang kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang kinakaharap ng mga suspects na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng DDEU. (James I. Catapusan)