Home METRO ₱352K shabu nasabat sa Makati drug ops, 3 arestado

₱352K shabu nasabat sa Makati drug ops, 3 arestado

MANILA, Philippines- Dalawang high value individuals (HVI) at isang street level individual (SLI) ang nalambat ng mga miyembro ng Makati City Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ikinasang buy-bust operation Martes ng hapon, Hulyo 9.

Kinilala ng Makati City police ang mga nadakip na mga suspek na sina alyas Sam, 37, HVI at isang tokhang surrenderee; alyas Pepsi, 61, HVI; at ang SLI na si alyas Bebi, 22.

Base sa report na isinumite ng Makati police sa Southern Police District (SPD), naganap ang pagdakip sa mga suspek sa isinagawang buy-bust operation ng SDEU dakong alas-4:38 ng hapon sa Brgy. Tejeros, Makati City.

Sa pagsasagawa ng buy-bust operation ng SDEU kabilang ang ilang miyembro ng Sub-station 1 (Olympia) ay napag-alaman na umaktong poseur-buyer ang isa sa mga operatiba at nang makumpleto ang transakyon ay agad na dinamba ang mga suspek na nagresulta ng kanilang pagkakaaresto.

Narekober sa posesyon ng mga suspek ang apat na heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng 52 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱353,600; isang brown pouch; isang cellular phone; limang wala pang lamang plastic sachets; isang weighing scale; at ang ₱500 buy-bust money na nakapaibabaw sa 159 piraso ng tig-₱500 boodle money na ginamit sa operasyon.

Ang nakumpiskang shabu ay dinala sa SPD Forensic Unit upang sumailalim sa qualitative at quantitative analysis habang nakapiit sa custodial facility ng Makati City police ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag ng Section 5 at 11, Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). James I. Catapusan