POLANGUI, Albay- Mahigit ₱3 milyong shabu, cocaine ang nasamsam ng mga awtoridad sa dalawang suspek kabilang ang menor-de-edad sa isinagawang buy-bust operation nitong Biyernes sa bayang ito.
Kinilala ni Police Lt. Col. Malu Calubaquib, PRO-5 spokesperson ang suspek sa pangalang ‘Jorge,’ alyas ‘Rod,’ at kasama nitong menor-de-edad at kapwa residente ng Bethlehem St., Barangay San Isidro, Paranaque City.
Sa operasyon ng mga tauhan ng Police Regional Office (PRO)-5 (Bicol), nakabili sila ng 50 gramo ng shabu sa mga suspek nitong umaga ng Biyernes sa Barangay Ubaliw, ng nasabing bayan.
Narekober rin sa mga suspek ang kabuuang 350 gramo ng shabu na may street value na ₱2.38 milyon at 130 gramo ng cocaine na may street value ng ₱689,000.
Dinala naman sa Polangui Municipal Police Station si Jorge para sa pagsasampa ng kaukulang kaso gayundin ang mga nakumpiskang ebidensya para sa tamang disposisyon.
itinurn-over naman ng pulisya ang menor-de-edad sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para isailalim sa kaukulang proseso.
Pinuri ni PRO-5 Director Police Brig. Gen. Westrimundo Obinque ang dedikasyon at pangako ng Philippine National Police na labanan ang problema sa droga sa rehiyon. Mary Anne Sapico